MANILA, Philippines — Mahigit-kumulang 8,000 transport network vehicle service provider ang posibleng mawala sa kalsada pagdating ng susunod na linggo matapos bigong makakuha ng "proof of provisional authority" mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Sa isang pahayag gabi ng Lunes, sinabi ng Grab na mapipilitan silang i-deactivate ang mga naturang nagmamaneho para sa kanilang kumpanya.
"This will reduce the number of vehicles servicing our commuting public, thus inconveniencing many Filipinos," sabi ni Brian Cu, presidente ng Grab Philippines.
(Mapaliliit nito ang bilang ng mga sasakyang nagseserbisyo sa publiko, kung kaya'y mapeperwisyo ang maraming Pilipino.)
Ang bilang ay halos isang-ikalima o one-fifth ng kabuuang 45,000 tsuper ng Grab.
Tinatayang nasa 100,000 biyahe kada araw ang mawawala sa inaasahang pagtatanggal sa 8,000.
Noong Disyembre, matatandaang nagbukas ng 20,000 slots para sa mga TNVS, at nataong isasara ang aplikasyon nito pagdating ng susunod na linggo.
Puwede mag-apply uli
Gayunpaman, pwede naman daw uli mag-apply muli ang mga matatanggal na driver.
"[W]e anticipate new drivers — even those from the 8,000 — to take advantage of the 10,000 new slots for application starting June 10," sabi ni Cu.
(Inaasahan namin ang pagpasok ng mga bagong magmamaneho — kahit mula doon sa 8,000 — na samantalahin ang 10,000 bagong slots para sa aplikasyon pagdating ng ika-10 ng Hunyo.)
Noong ika-31 ng Mayo, sinabi ng LTFRB na magbubukas sila ng panibagong 10,000 slots para sa mga TNVS units pagdating ng Hunyo para mapunan ang 8,000 mawawala.
Susunod naman daw ang Grab sa utos, ngunit nanindigang mahihirapan ang lahat bunsod nito.
"At the end of the day, many Filipinos will suffer from this painful step – both the drivers and the passengers. We would want to avoid this from happening, but we are bound to comply with our regulator," sabi niya.
(Sa huli't huli, maraming Pilipino ang magdurusa mula sa hakbang na ito – ang mga driver at pasahero. Gusto naming maiwasan ito, pero kailangan naming sumunod sa aming regulator.) — may mga ulat mula sa News5