MANILA, Philippines — Isinisi ng militanteng grupo ng mga mangingisda ang fish kill na tumama sa Taal Lake noong nakaraang linggo, na sinasabing "worst crisis" sa fishcage industry, sa napakataas na bilang ng fishpen na nag-ooperate sa lugar.
Kaiba ito sa sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo at mga ekseperto sa fishery na "sulphur upswelling" dulot ng malakas na Amihan ang nagsanhi nito.
Mahigit kumulang 605 metric tons ng tilapia ang namatay kamakailan, katumbas ng 121 fish cages, sa Barangay Buso Buso at Gulod sa Laurel at Bangay Banaga sa Agoncillo, ayon kay Department of Environment and Natural Resources Executive Director Maria Paz Luna.
Sabi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, ito na ang ikatlong fish kill na tumama sa Taal Lake simula pa noong nakaraang taon.
Katulad daw ito ng nangyari noong Nobyembre 2018 na nakaapekto sa 60 metric tons o P5 milyong tilapia at 99.8 metric tons nitong Enero.
"This is not a simple natural phenomenon as claimed by the authorities, but an ecological disturbance caused by monopolization of aquaculture industry in Taal Lake without consideration of its limit," sabi ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.
"Intensification of aquaculture demands higher feed intake which leads to hypoxia or oxygen depletion due to unregulated nutrients and bacterial loading."
Labag sa batas?
Sa ilalim ng Republic Act 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998, sinasabing 'di dapat lalampas sa 10% ng surface area ng mga lawa at ilog ang dapat ilaan para sa aquaculture purposes.
Paliwanag ng Pamalakaya, kung 23,420 ektarya ang kabuuang laki ng lawa ay dapat 2,342 ektarya lang ang "carrying capacity" nito.
Pero kung pagbabasehan daw ang datos ng gobyerno, nasa 5,000 aquaculture structures na ang nag-ooperate sa lawa.
Dahil dito, posibleng lumampas na raw sa carrying capacity ang kabuuang laki ng mga fishpen.
"Fish kill is becoming the norm in Taal Lake courtesy of unsustainable aquaculture practices, which includes the incessant drive of fishpen operators to increase the number and size of aquaculture structures beyond the carrying capacity of the lake," dagdag ni Hicap.
Nanawagan ang grupo na baklasin na ang malalaking fish pen sa Taal Lake na pinagmamay-arian ng mga pribadong indibidwal at kumpanya, at unahin ang karapatan ng maliliit na mangingisda.
Pagresolba sa problema
Ginagawan naman na daw ng paraan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang problema, at iniutusan na ang mga opisyal ng pamahalaan na pahupain ang magiging epekto nito.
"The president has directed the appropriate government offices to closely monitor the situation, particularly the water quality in Taal Lake. He also required the officials concerned to undertake measures to mitigate the impact of the natural phenomenon," sabi ni Panelo.
Pinababantayan na rin daw ng pangulo ang suplay at pagkasariwa ng mga isda sa mga palengke.
Wala naman daw dapat pang ikabahala sa suplay at presyo ng isda sa ngayon ayon sa DENR.
"The public is advised that this merely comprises a small percentage and while they should continue to check their fish purchases for freshness, there is no cause for alarm in the market," ani Luna.