MANILA, Philippines — Siniguro kahapon ng Malacañang na tutuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako nito sa mga guro para sa dagdag nilang suweldo, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
“Tinatrabaho ng Pangulo ang umento sa sahod ng mga guro. Hindi tinatalikuran ng Pangulo ang kanyang pangako pero maraming bagay ang nangyari sa unang tatlong taon ng kanyang termino kaya kailangan niyang dagdagan ang suweldo ng mga sundalo at pulis,” paliwanag ni Panelo sa media briefing kahapon sa Palasyo.
Wika pa ni Panelo, walang dapat ipag-alala ang mga guro dahil tutuparin ng Pangulong Duterte ang pangako nito sa kanila at naghahanap lamang ng pagkukunan ng pondo para dito.
Sinabi pa ni Panelo na inutusan na ni Pangulong Duterte ang kanyang economic managers na maghanap ng pondo para sa salary increase ng mga guro.
Magugunita na bukod sa mga guro ay pinangakuan din ng Pangulo ng umento sa suweldo ang mga pulis at sundalo na ginawa naman ng Pangulong Duterte subalit hindi pa naitataas ang suweldo ng mga guro.