DOE Asec. Pinakakastigo sa ‘conflict of interest’
MANILA, Philippines — Pinakakastigo sa Kamara si Department of Energy (DoE) Asec. Redentor Delola dahil sa isyu ng “conflict of interest” matapos umanong paboran nito ang isang supplier ng kuryente sa Mindanao.
Sa inihaing House Resolution 2577 ni Aasenso Partylist Rep. Teodoro “Ted” Montoro, hiniling nito na maimbestigahan si Delola sa napabalitang umano’y pagkiling sa kumpanyang Western Mindanao Power Corp. (WMPC).
“Kailangan na maimbistigahan ang isyu na ito. Dahil kung siya nga ay may pinoprotektahan o pumabor sa isang kompanya. Aba, dapat siyang maalis sa pwesto. Hindi natin maaring palagpasin ang ganitong uri ng kaso,” pahayag ni Montoro.
Napag-alaman umano ni Montoro na si Delola ay nagtrabaho muna sa APDU na may-ari rin ng WMPC bago ito naging DOE assistant secretary mula noong 2014.
“We urge the Committee on Energy, Committee on Good Government and Public Accountability to investigate this incident. Ito ay malinaw na isang kaso ng conflict of interest na ang resulta ay malaking pinsala sa public interest,” wika ni Montoro.
“Ang ganitong uri ng desisyon ay hindi dapat makunsinti, bagkus ay patawan ng kaukulang parusa upang hindi pamarisan ng ibang naka-posisyon sa gobyerno lalo na kung ito ay may mataas ng katungkulan,” dagdag ni Montoro.
- Latest