MANILA, Philippines — Sa unang pagkakataon ay ipinakilala ni Pangulong Duterte bilang “First Lady” sa publiko ang kanyang long time partner na si Honeylet Avanceña sa pagharap nito sa Filipino community sa Tokyo, Japan kamakalawa ng gabi.
Magugunitang karaniwan ng miyembro ng Gabinete o pinakamataas na opisyal ng gobyerno ang nagbibigay ng introduksyon kay Pangulong Duterte bilang pangunahing speaker subalit sa Filcon meeting ay si Honeylet ang nagpakilala sa Pangulo.
Bago ipinakilala ang Pangulo, nagbigay din ng mensahe si Ms. Avanceña kaugnay sa karanasan nito bilang dating OFW sa Estados Unidos.
Dito ay naikwento ni Avanceña ang naranasang sakripisyo at kalungkutang malayo sa mga minamahal sa buhay sa Pilipinas, gaya ng pinagdaraanan ng ibang OFWs.
Si Pangulong Duterte ay matagal ng “annuled” sa nauna nitong asawa na si Elizabeth Zimmerman, nanay nina Davao City Mayor Inday Sara, Congressman-elect Paolo at Baste Duterte pero hindi pa ikinakasal kay Avanceña kung saan ito may anak na si Kitty.