Parojinog Jr. hinatulan ng habambuhay na kulong dahil sa shabu
MANILA, Philippines — Nahatulang nagkasala si Reynaldo Parojinog Jr., anak ng napatay na Ozamiz City Mayor Reynaldo Sr., dahil sa pagtataglay ng iligal na droga.
Napatunayang lumabag si Parojinog sa Section 11, Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ayon sa 23-pahinang desisyong inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 79 Biyernes.
"[T]he prosecution was able to prove beyond reasonable doubt that on July 30, 2017, the accused was in possession of more than 50 grams of shabu, a dangerous drugs," sabi ng desisyong nilagdaan ni presiding judge Nadine Jessica Corazon Fama.
(Walang duda at napatunayan ng prosekusyon na noong ika-30 ng Hulyo taong 2017, nakitaan ng 50 gramo ng shabu ang akusado, isang uri ng ipinagbabawal na gamot.)
Maliban sa panghabambuhay na pagkakakulong, papatawan ng P500,000 habang P10,000,000 multa si Parojinog.
Matatandaang naghain ng "not guilty" plea si Parojinog matapos niyang maaresto sa isang raid na isinagawa sa kanilang compound, na nagbunsod ng pagkamatay ng kanyang mga magulang.
Kasama niyang nakulong ang kapatid na si Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez sa parehong operasyon.
Una nang iniugnay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ama sa kalakalan ng droga.
Nobyembre taong 2018, matatandaang sinabi ni Digong na "uubusin" niya ang mga Parojinog. — May mga ulat ni Kristine Joy Patag
- Latest