MANILA, Philippines — Babantayan ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang mga pambu-bully sa mga paaralan kaugnay ng pagbubukas ng klase sa Hunyo 3.
Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, bubuo sila ng Task units na tututok sa pambu-bully, kasabay na rin ng iba pang mga problema sa mga paaralan tulad ng kidnapping sa mga mag-aaral, bomb-scare, at iba pang mga banta na maaring ikapahamak ng mga estudyante.
Nasa 120,000 pulis ang idedeploy ng PNP sa mga lansangan patungo sa mga paaralan para sa kaligtasan ng milyong mag-aaral.
Una rito, ibinaba ng PNP sa normal status mula sa full alert status ang buong bansa maliban sa Mindanao kung saan umiiral ang martial law.
Tiniyak ng PNP chief na magiging agresibo pa rin at “intelligence driven” ang kanilang mga focused police operations laban sa mga kriminal, terorista at lawless elements, partikular ngayong panahon ng pagbabalik eskuwela ng mga estudyante.