2 HK companies na nagdala ng basura sa Mindanao pinag-aaralang kasuhan
MANILA, Philippines — Pinag-iisipan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsampa ng kaso sa mga consignee at importer ng 25 toneladang basura mula Hong Kong na nadiskubre nitong Miyerkules sa Mindanao International Container Terminal.
Ayon sa undersecretary ng DENR na si Benny Antiporda, bigong makapagbigay ng “import permit” sa ahensiya ang consignee ng container na Crowd Win Industrial Limited at importer nitong Hin Yuen Tech. Env. Limited bago iangkat sa bansa.
Dagdag ni Antiporda, idineklara ng dalawang kumpanya bilang “assorted electronic accessories” ang laman ng mga container kahit plastic scrap, pinira-pirasong electronics at mga residual wastes naman ang mga ito.
“What happened, sa tingin namin nag-import 'yan without securing import clearance. Dumating, then nag-try mag-secure ng import clearance wherein bawal sa atin 'yun," sabi ni Antiporda sa isang panayam ng CNN Philippines.
"Meron tayong department administrative order na nagsasabi na prior to the shipment, bago mo pwedeng i-apply. But after, hindi na pwede 'yun... Meron siyang nalabag on environmental laws especially on importation."
Dumating ang tone-toneladang basura sa probinsya ng Misamis Oriental noong ika-2 ng Enero at natuklasan lang noong ika-22 ng Mayo.
Ayon kay Antiporda, sinubukan daw ng dalawang kumpanya na palusutin ang importasyon at ideklara itong electronic accessories dahil hindi naman daw sakop ng jurisdiction ng DENR ang naturang mga materyales.
Maglalabas din daw ng moratorium ang DENR upang hindi na maulit ang mga maling deklarasyon.
Samantala, nangako naman ang Malacañang na ibabalik ang mga trak ng basura sa Chinese administrative region.
“We understand that the BOC (Bureau of Customs) would export this illegal shipment back to its port of origin. We call on concerned agencies of the government to continue exercising vigilance and hinder the entry of such shipments of garbage into our territorial jurisdiction at the first instance," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing.
(Sa pagkakaalam namin ibabalik ng BOC ang shipment papunta sa pinanggalingan nito. Tinatawag namin ang mga ahensiya ng gobyerno na ipagpatuloy ang pagiging mapagmatyag at pagbawalan ang pagpasok ng mga trak ng basura sa ating teritoryo.)
Ayon sa DENR, sinisumulan na ng mga otoridad mula sa Hong Kong ang proseso ng pagbabalik ng basura sa kanilang bansa.
Matatandaan ding umabot sa 100 container na may lamang mahigit 2,000 tonelada ng basura ang dumating sa Pilipinas mula Canada mula 2013 hanggang 2014. — Philstar.com intern Edelito Mercene Jr.
- Latest