33,000 bagong guro kailangan

Ayon kay DepEd Undersecretary Anne Sevilla, kabilang sa naturang bilang ang 10,000 bagong teaching posts na lilikhain nila at ang 23,000 teaching vacancies na kinakailangan nilang punuan.
File

MANILA, Philippines — Nangangailangan ng kabuuang 33,000 bagong guro ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) para ngayong School Year 2019-2020.

Ayon kay DepEd Undersecretary Anne Sevilla, kabilang sa naturang bilang ang 10,000 bagong teaching posts na lilikhain nila at ang 23,000 teaching vacancies na kinakailangan nilang punuan.

Sinabi ni Sevilla na ang 23,000 accumulated vacant positions ay dati nang nalikha ngunit hindi agad napunuan.

“May accumulated din tayo na mga positions na na-create pero bakante pa hanggang ngayon. We have 23,000, those accumulated vacant positions plus 10,000 this year, so we are expecting about 33,000 new teachers this year,” aniya.

Ipinaliwanag naman ni DepEd Secretary Leo­nor Briones na hindi naman sila tumitigil sa pagkuha ng mga guro dahil na rin sa lumala­king populasyon ng mga mag-aaral taun-taon.

Layunin rin aniya nito na mapaliit ang bilang ng mga mag-aaral sa isang klase para higit na matuto ang mga ito.

Inaasahang aabot sa 27.8 milyong mag-aaral ang magbabalik-eskwela sa bansa ngayong School Year 2019-2020 na nakatakda nang magbukas sa Lunes, Hunyo 3.

Show comments