MANILA, Philippines — Sa gitna ng isyu ng pagpapadala ng basura ng Canada at Australia sa Pilipinas, isa na namang kaparehong kargamento ang dumaong sa bansa — sa pagkakataong ito, mula sa Tsina.
Nitong Miyerkules, natagpuan ng Bureau of Customs ang 25,610 kilo ng halu-halong plastic waste sa loob ng isang 40-foot container van matapos itong inspeksyunin.
Sinabing isinilid ito sa loob ng 22 sling bags mula Hong Kong at idineklarang naglalaman ng "assorted electronic accessories."
Dumating ito sa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental noong ika-2 ng Enero ngayong taon lulan ng SITC Fujian.
Ipinadala ito ng Hin Yuen Tech. Env. Limited at ipinagkatiwala sa Crowd Win Industrial Limited.
"We are appalled by this attempt to bring mixed plastic scraps, shredded electronics and other residual waste materials in violation of our customs and environmental laws," ani John Simon, port collector ng BOC Northern Mindanao.
(Kinikilabutan kami sa pagtatangkang ito na magpasok ng halu-halong plastic, dinurog na electronics at iba pang dumi na lumalabag sa 'ting mga batas pangkalikasan at customs.)
Dagdag ni Simon, hindi nila hahayaang tratuhin ang Pilipinas bilang basurahan ng mundo.
Ikinagalit naman ito ng isang waste and pollution watch group lalo na't "trial shipment" daw sana ito para sa 70 pang container.
"We are shocked that the shipment originated from Hong Kong, which we find truly ironic since China has taken the unprecedented move to protect its own environment by banning waste imports," wika ni Aileen Lucero, national coordinator ng EcoWaste Coalition.
(Ikinagulat namin na nanggaling ang kargamento mula sa Hong Kong, lalo na't ipinagbabawal na ng Tsina ang pag-aangkat ng basura para maprotektahan ang kanilang kalikasan.)
Iminungkahi naman nila sa pamahalaan ng Tsina na masilip ang isyu.
"[W]e renew our earnest call for a comprehensive and immediate ban on waste imports and for the country's rapid ratification of the Basel Ban Amendment," dagdag niya.
(Idinidiin naming muli ang aming panawagan para sa komprehensibo at madaliang pagbabawal sa pagpapasok ng basura ng ibang bansa at para pagtibayin ang Basel Ban Amendment.)
Ang Basel Ban Amendment ay tumutukoy sa pagbabawal ng "transboundary movements" ng mga peligrosong basura na hindi naisama sa hazardous wastes na nakasaad sa Annex VII Basel Convention.
Kasama ang Pilipinas sa mga pumasok sa Basel Convention noong ika-19 ng Enero 1994 ngunit hindi pa niraratipikahan ang Basel Ban Amendment.
Kinumpirma naman ni Simon sa EcoWaste na sisimulan na ng BOC ang pagbabalik ng iligal na kargamento mula Hong Kong, ang port of origin nito.
Nangyayari ito matapos bantaan ng gera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang gobyerno ni Canadian President Justin Trudeau matapos magpadala ng basura ang ilang pribadong kumpanya roon sa Pilipinas taong 2013 at 2014.
Kilala naman si Digong bilang malapit kay Chinese President Xi Jinping.