^

Bansa

Security of Tenure Bill lusot na sa Senado

Philstar.com
Security of Tenure Bill lusot na sa Senado
Sa ilalim nito, papatawan ng hanggang P5 milyong multa ng Department of Labor and Employment ang mga nagsasagawa ng labor-only contracting.
File

MANILA, Philippines — Sa botong 15-0, pinaboran ng mga senador sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magbabawal sa pagpapatupad ng labor-only contracting o "endo," na hinalaw sa pariralang "end of contract."

Tumutukoy ito sa gawi kung saan limang buwan lang ang ibinibigay ng kontrata sa mga manggagawa para matakasan ang pagre-regularisa oras na sumapit ang ikaanim na buwan.

Ayon sa panukala, nangyayari ang labor-only contracting kung nagrerekluta lang ang contractor (supplier) para sa contractee (tumatanggap ng manggagawa) at kung ang mga manggagawang ito ay gumagawa ng mga aktibidad na may direktang kaugnayan sa "principal business" ng contractee.

Kung mapatutunayan daw ito, kikilalanin agad na regular ang mga nasabing manggagawa.

"In all cases where labor-only contracting is present, the workers shall outright be deemed regular employees of the contractee in accordance with law, retroactive to the date they were first deployed to said contractee," sabi ng Senate bill.

(Sa lahat ng kaso kung saan mayroong labor-only contracting, kikilalaning regular na empleyado ng contractee ang mga manggagawa alinsunod sa batas, at sasaklawin ang petsa kung kailan sila unang ibinigay sa contractee.)

Papatawan din ng hanggang P5 milyong multa ng Department of Labor and Employment ang mga nagsasagawa nito.

Sa ilalim ng Security of Tenure and End of Endo Act of 2018, ilalagay sa apat na kategroya ang mga manggagawa: regular, probationary, project at seasonal.

Sinasabi rin sa panukala na dapat tumamasa ng kaparehong benepisyo ng mga regular na manggagawa ang mga project at seasonal tulad ng karapatan sa minimum na pasahod habang tumatakbo ang kanilang kontrata.

Isa sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong siya'y nangangampanya pa ang pagtatanggal ng maiksiang kontrata ng mga empleyado.

Gayunpaman, hindi pa rin napapalitan ng pamahalaan ang mga batas sa paggawa.

Sinertipikahan ni Digong ang panukala bilang "urgent" nitong Setyembre. 

Sa isang liham para sa mga pinuno ng Kongreso, sinabi ng pangulo na pinananatili nito ang mga manggagawa sa "kumunoy ng kahirapan at underemployment."

Una nang naglabas ang Labor department ng Department Order 174, na nagbabawal sa labor-only contracting.

Pero hindi naman tuluyang ipinagbabawal ng naturang kautusan ang job contracting, isang kaayusan kung saan kumukuha ang amo ng kumpanya, o principal, ng mga trabahante mula sa mga "third-party contractor."

Matagal nang nagpapahiwatig ng kanilang pagtutol dito ang ilang sektor dahil mababawasan daw ang pagka-"competitive" ng bansa oras na tanggalin ang lehitimong kontraktwalisasyon.

CONTRACTUALIZATION

ENDO

SECURITY OF TENURE BILL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with