MANILA, Philippines — Sumama ang pamilya ni Sen. Nancy Binay sa proklamasyon nito bilang senador sa 18tth Congress ngayong araw sa Philippine International Convention Center... maliban sa kapatid na si Makati Mayor Abby Binay.
Nakakuha ang reelectionist senator ng 14,504,936 na boto matapos maitulak sina reelectionist Sens. JV Ejercito at Bam Aquino papalabas ng winner's circle.
Ito na ang ikalawang termino ni Nancy.
"Kasama ko 'yung parents ko, si mayor Jun tsaka yung sister ko si Ann," sabi ni Nancy sa ulat ng Inquirer.
Una nang sinuportahan ni Nancy ang kandidatura ng kapatid na si Junjun laban kay Abby para sa pagka-alkalde ng Makati.
Gayunpaman, nanaig pa rin sa halalan si Abby na nakakuha ng 179,522 laban sa 98,653 ni Junjun.
"Hindi pa kami nakakapag-usap," paliwanag ng senadora.
Tumakbo naman ang kanilang ama na si dating Bise Presidente Jejomar Binay para sa pagka-kongresista ng Makati kasama si Abby, ngunit natalo kay Kid Peña.
Hindi pag-'fist bump'
Samantala, kapansin-pansin din na hindi kasama sina Sen. Binay at Sen. Grace Poe sa mga nag-"Duterte fist bump" sa katatapos lang na senatorial proclamation.
Ito ay matapos punuin ng mga kaalyado ng administrasyon ang karamihan ng seats sa Senado ngayong 2019 midterm polls.
TIGNAN: Sen. Grace Poe at Sen. Nancy Binay, hindi sumama sa mga nag-"Duterte fist bump" sa katatapos lang na senatorial proclamation. Ito ay matapos madomina ng mga kaalyado ni Pangulong Duterte ang #SenateRace. #Election2019 | via @ectoledoiv pic.twitter.com/WjceizpORW
— Pilipino STAR Ngayon (@PilStarNgayon) May 22, 2019
Pito sa mga nanalong senador ay in-endorso ng PDP-Laban ni Pangulong Rodrigo Duterte habang siyam naman sa mga nagwagi ang in-endorso ng Hugpong ng Pagbabago ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, ang anak ng pangulo.
Kilala ang nakakuyom na kamao bilang "gesture" na ikinakabit kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang in-endorso ng militanteng Makabayan Coalition sina Binay at Poe, na nananawagan para sa isang "independent" at "pro-people" na Senado.
Ilan sa mga isusulong ng dalawa ay ang suspensyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, paggigiit ng soberanya sa West Philippine Sea, at ang pagpapatuloy ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines.