K-12 tuloy – DepEd
MANILA, Philippines — Tuloy ang K-12 program ng pamahalaan at walang plano na ipatigil ito.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, nagkamali lamang ng interpretasyon ang ilan sa pahayag ng Commission on Higher Education (CHEd) na planong isailalim sa pagrebyu ang K to 12.
Sinabi ni Briones, ang K-12 program ay batay sa Republic Act No. 10533 o ang “Enhanced Basic Education Act of 2013” kaya hindi ito basta-basta maibabasura lamang at ang anumang pag-amyenda o pagpapawalang bisa sa programa ay nakasalalay sa Kongreso.
Nanindigan rin ang DepEd na mahigit 2.7 milyong estudyante na ang nakinabang sa programa.
Binigyang diin pa ng departamento na ang pag-repeal sa programa ay may negatibong epekto sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Magugunita na tatlong taon na ngayon ang nakalilipas noong unang ipatupad ang K-12 program ng pamahalaan na inaprubahan noong Aquino administration.
- Latest