Pagpasok ni ex-Ombudsman Morales sa Hong Kong hinarang

Aniya, maaaring may kaugnayan daw ito sa inihaing reklamo ni Morales laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court.
The STAR/Boy Santos, File

MANILA, Philippines — Pinagbawalan si dating Ombudsman Conchita Carpio Morales na makapasok sa teritoryo ng Hong Kong.

Sa ulat ng News5, sinabi na dahil daw ito sa pagpigil ng immigration officers sa kanya doon.

Binanggit din ng isang taga-Department of Foreign Affairs, na tumangging mapangalanan, na hawak ngayon si Morales dahil tinitignan siya bilang isang "security risk."

Aniya, maaaring may kaugnayan daw ito sa inihaing komikasyon ni Morales laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court.

Dahil dito, nahiwalay daw si Morales mula sa kanyang pamilya, ayon sa ulat.

Dumating ang dating ombudsman sa Hong Kong bandang alas-onse ng umaga, Martes.

Kasama raw niya ang kanyang mister, anak, manugang na babae at dalawang apo nang harangin sa pagpasok sa Hong Kong.

Dinala raw siya  sa immigration office sa Hong Kong International Airport.

Nakatakdang lumipad pabalik ng Maynila ang pamilya ni Morales Martes ng gabi.

'Communication' sa ICC kontra Tsina

Matatandaang naghain ng "communication" sina Morales at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa ICC dahil sa "crimines against humanity" daw ng Tsina laban sa Pilipinas sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.

Ang komunikasyon na ito ay ginagamit para makapaglunsad ng preliminary examination kung may jurisdiction ang ICC sa kaso.

Isinumite ito nina Morales at Del Rosario dalawang araw bago kumalas ang Pilipinas sa international tribunal.

Nakadirehe mismo kay Xi ang communication.

Mandato ng international tribunal na maglitis ng mga indibidwal at panagutin sila para sa mga krimen gaya ng "genocide, war crimes, crimes against humanity" at "crimes of aggression in the international community."

Sinabi ng dalawang dating opisyal na saklaw ng ICC ang kaso sa pinag-aagawang teritoryo dahil nangyari raw ito "sa loob ng teritoryo ng Pilipinas."

Ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo, inutusan na niya si Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella na magbigay ng tulong kina Morales at kanyang pamilya.

"I already called up Usec. Abella as Sec. [Teodoro] Locsin is in Myanmar, and requested him to give assistance to former Ombudsman Morales and her family. he already replied and said they are already on it," wika ni Panelo.

Sinabi naman ni Bureau of immigration spokesperson Dana Sandoval na wala pa silang impormasyon patungkol sa sitwasyon ni Morales.

'Pagharang karapatan ng bansa'

Sinusugan naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring may kinalaman ang communication sa aksyon ng Chinese immigration laban sa dating opisyal.

Pero paglilinaw niya, hindi ito maaaring kwestyonin: "Regardless of the reason, however, we may not question the action taken by Chinese immigration officials, as the entry of foreigners or the refusal thereof is the exclusive and sovereign prerogative of any country," sabi ni Guevarra.

(Anuman ang dahilan, hindi natin pwedeng kwestyonin ang mga Tsino, lalo na't karapatan ng anumang bansa na harangan ang pagpasok ng sinumang dayuhan.)

Sinabi naman ni Deputy Consul Germina Aguilar-Usudan sa ANC na hindi inabisuhan ang Philippine consulate sa Hong Kong patungkol sa tunay na kadahilanan sa nangyari.

Gayunpaman, sinabi ni Usudan na nakatanggap sila ng impormasyon na binigyan na ng "go signal" si Morales bandang alas-tres ng hapon na makapasok ng Hong Kong ngunit pinili na lang umuwi ng Pilipinas.

Klinaro din niya na nanatili si Morales sa Immigration Office ng paliparan at hindi dinitene.

Show comments