MANILA, Philippines — Sa botong 167-4, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill 8961 na mag-oobliga sa lahat ng senior high school students na kumuha ng Reserve Officers' Training Corps.
Kung tuluyang lulusot sa Kongreso, ibibigay ito sa lahat ng estudyanteng Grade 11 at Grade 12 sa mga pribado't pampublikong paaralan.
JUST IN: The House of Representatives approved on third and final reading House Bill 8961 reviving the mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) for Grades 11 and 12 in public and private schools. pic.twitter.com/ZkLuMdBSWM
— The Philippine Star (@PhilippineStar) May 20, 2019
Gayunpaman, naka-tengga pa rin sa komite ang lahat ng Senate bills na nagsusulong ng "mandatory" military training sa mga eskwelahan.
Kabilang dito ang SB No. 1322 ni Sen. Koko Pimentel, SB No. 1131 ni Sen. JV Ejercito, SB No. 200 ni Sen. Sherwin Gatchalian, SB No. 189 nina Sen. Manny Pacquiao at Senate President Vicente "Tito" Sotto III at SB No. 1417 ni Sen. Richard Gordon.
Ang mga naturang panukalang batas sa Senado ay nagkakatalo kung sa senior high school, kolehiyo o technical-vocational school ipatutupad ang kahalintulad na obligasyon na military training, maliban sa iba pang mga probisyon.
Matagal nang nananawagan ang Pangulong Rodrigo Duterte na mapanumbalik ang mandatory ROTC sa Grade 11 at 12 para "maituro ang pagkamakabayan sa kabataan."
Mandatory ROTC muling pinalagan
Sa kabila ng pagkakapasa nito sa Kamara, hindi ikinatuwa ng ilang grupo ng kabataan ang panibagong maniobra sa muli nitong panunumbalik.
"We must not forget the atrocities that have spurred from this fascist program. The killings of Mark Welson Chua in 2001 and Willie Amihoy last March just manifests the culture of impunity the ROTC Program breeds in the country," sabi ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago sa isang pahayag.
Isa ang pagkakamatay ni Chua, na estudyante sa University of Santo Tomas, na nagsilbing daan sa pagkakapasa ng Republic Act 9163 o National Service Training Program Law.
Dahil dito, tinanggal ang ROTC bilang kondisyon bago makapagtapos sa kolehiyo.
Sinasabing napatay si Chua matapos niyang magsiwalat ng mga katiwalian sa loob ng ROTC.
"The endless accounts of hazing, harassments, physical, sexual, and emotional abuse have been documented by the youth representation yet the government together with the armed state forces fail to bat an eye on these crimes against the youth," dagdag ni Elago.
Ayon naman sa College Editors Guild of the Philippines, gagamitin lang daw ito upang gawing kasangkapaan ang kabataan sa mga gera ni Duterte.
"Mandatory ROTC would only transmogrify our students into exploitable cannon fodder by continuously inculcating mercenary tactics as primary mode of upholding the nation’s sovereignty," ani ng grupo.
Kinwestyon din ni Elago kung bakit ginawa ito kahit walang implementation review ng SHS program at habang walang status report sa mga kaso ng "harassment, hazing at katiwalian sa ROTC."
Layuning 'nasyunalismo' ng ROTC kinwestyon
Hindi naman matanggap ng mga naturang grupo na ginagamit ang patriotismo para bigyang-katwiran ang panunumbalik nito.
Paliwanag ng Kabataan, paglikha ng kimi at sunud-sunurang estudyante ang tunay na layunin ng mandatory ROTC.
Imbis na ibigay ang ROTC sa lahat, sinabi naman ng CEGP na dapat siguruhing nakakukuha ng makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon ang lahat.
Ito raw kasi ang magsisiguro na itataguyod ng kabataan ang interes ng mamamayan.
"What [the] state has to address, however, is its malicious neglect in providing nationalistic, scientific and mass-oriented education that would produce hundreds of thousands of youth who value peace, possess high respect for human rights, and would pledge an unqualified support in joining the people’s struggles."