MANILA, Philippines — Dalawang tren ng LRT line 2 ang nagbanggaan sa pagitan ng Cubao at Anonas station nitong Sabado ng gabi na ikinasugat ng 34 katao.
Agad isinugod ang mga nasaktan sa World City Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center, Quirino Memorial Medical Center at Manila Medical Center upang lapatan ng lunas ang tinamong mga pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), kaagad ring napauwi ang 29 sa mga biktima na nagtamo lamang ng minor injuries habang nananatili pang naka-confine ang lima hanggang nitong Linggo ng umaga.
Sinabi ni LRTA Administrator Gen. Reynaldo Berroya, alas-9:51 ng gabi nang maganap ang insidente sa pagitan ng Cubao at Anonas stations sa Quezon City.
Isang dead train o sirang tren ang ipinarada sa pocket track sa pagitan ng Anonas at Katipunan station pasado alas-2 ng hapon ng Sabado.
Pagsapit ng alas-9 ng gabi, biglang gumalaw ang dead train patungo ng Cubao station pero nasa eastbound track ito.
Sinalubong nito ang train number 13 na may sakay na mga pasahero at patungo sana ng Anonas station.
“For unknown reason, which will be the subject of further investigation, gumalaw ang sira na tren on its own for unknown reason,” sabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) spokesperson Atty. Hernando Cabrera.
Paliwanag ni Cabrera, ang pocket track ay ang ‘emergency bay” kung saan inilalagay ang mga sirang tren.
Bumuo na ng fact finding committee ang LRTA para imbestigahan hindi lamang ang nagkaaberyang tren kundi maging ang mga train operator, control center, at maintenance.
Susuriin din ang train monitoring system o ‘yung “blackbox” ng tren para malaman kung ano ba ang nangyari bago ang aksidente
Plano naman ng LRTA na bigyan ng komendasyon ang driver ng tren, dahil hindi nito iniwanan at pinabayaan ang mga pasahero hangga’t hindi pa dumarating ang tulong para sa kanila.
Sinasabing kinalma nito ang kalooban ng mga pasahero at pinayuhan na kumapit hanggang sa dumating ang tulong para sa kanila.
Tiniyak ng DOTr at ng LRTA na sasagutin ang mga medical bills, follow-up check-ups at maging kanilang loss of income dahil sa insidente.
Nanindigan naman ang mga opisyal ng DOTr at LRTA na ang LRT-2 ay ligtas pa ring uri ng transportasyon at ang insidente ay isang isolated incident lamang.
Ito anila ang kauna-unahang banggaan na naganap buhat nang mag-operate ang LRT-2 noong 2003.
Humingi rin sila ng paumanhin sa mga biktima dahil sa pangyayari at tiniyak na ang paghahatid ng ligtas sa kanilang mga mananakay ang kanilang prayoridad.
Kahapon ay balik operasyon na ang LRT-2.