MANILA, Philippines — Hindi pipigilan ng gobyerno ang mga Pilipinong gustong manirahan sa ibang bansa matapos umanong madismaya sa resulta ng katatapos na midterm elections.
Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos mag-trending sa social media ang planong mag-migrate ng mga supporters ng Otso Diretso sa Canada, Australia at New Zealand.
Nadismaya umano ang mga supporters ng Otso Diretso dahil walang nanalo sa kanila sa katatapos na halalan noong Lunes.
Ayon kay Panelo, malayang gawin ng mga dismayadong Pilipino ang kanilang planong mangibang-bansa pero dapat tandaan ng mga ito na mas masarap pa ring manirahan at mabuhay sa sariling bayan.
“We wish them luck.They should remember that there’s no place like home,” giit pa ni Panelo.
Biro pa ng kalihim na mag-ingat ang mga gustong mag-migrate sa Canada dahil baka mapabilang ang mga ito sa kanilang basura.