MANILA, Philippines — Nakapagbibigay na ngayon ng hanggang 50 milyong litrong tubig kada araw sa halos 27,000 kabahayan sa ilang barangay ng Binangonan, Angono, Taytay, Baras at Jalajala sa Rizal ang Cardona Water Treatment Plant ng Manila Water.
Nagsimula ang distribusyon ng tubig mula sa Cardona WTP nitong Marso 14, 2019. Sa loob ng nakaraang 40 taon, nanatiling ang Angat Dam lang ang tanging pinagkukunan ng tubig ng 96% ng Metro Manila, pati na rin ng mga kalapit na mga lalawigan ng Rizal at Cavite.
Magsisilbing pansamantalang karagdagang pagkukunan ng tubig ang Cardona WTP para sa Manila Water, habang ginagawa ang iba pang mga malakihang supply ng tubig para sa Metro Manila.
Ang tubig na ipinapamahagi ng planta ay nanggagaling sa gitnang bahagi ng Laguna Lake. Bukod sa treatment plant na may kapasidad na 100 milyong litrong tubig kada araw, nakapaglatag na rin ng higit sa 100 kilometrong linya ng tubig upang maabot ang mga bayan sa Rizal.
Kumpara sa ibang water treatment plants, ang bagong planta sa Cardona ay gumagamit ng mas higit na masusing paraan at kagamitan upang malinis ang ibat-ibang kalidad ng tubig na nanggagaling sa lawa.