Biko 'ipinagbawal' sa Pasig noong kampanya, sabi ni Vico Sotto

Ang matamis na panghimagas ay katunog ng pangalan ng noo'y kumakandidatong si Vico Sotto na iprinoklamang bagong mayor ng Pasig.

MANILA, Philippines — "Banned" ang isang kakanin sa Lungsod ng Pasig noong panahon ng electoral campaign, 'yan ang ibinahagi sa publiko ng bagong halal nilang alkalde na si Vico Sotto.

Ang matamis na panghimagas ay katunog ng pangalan ng noo'y kumakandidatong 29-anyos.

"Nung nasa palengke ako nung kampanya, may lumapit sa kin, pakyawin ko daw biko niya," wika ni Sotto sa kanyang tweet ngayong Miyerkules ng gabi.

"Sabi ko, Ate wala ka naman dalang biko, sapin-sapin yan eh! Yun pala nasa ilalim ng bilao, quiet lang daw."

 

 

Iprinoklama bilang mayor ng Pasig si Sotto, na anak ng aktor at aktres na sina Vic Sotto at Coney Reyes, 2:15 p.m. nitong Martes.

Pamangkin din siya ng kasalukuyang Senate President na si Vicente "Tito" Sotto III.

Nakakuha siya ng 208,500 boto kontra sa dating alkalde na si Robert "Bobby" Eusebio, na nagtamo ng mahigit 121,000.

"So hindi ko alam kung bawal talaga o natatakot lang sila. Pero ayun," dagdag niya.

Ipinagbawal ng Pasig LGU?

Ayon naman kay "bossing" Vic, noong una'y hindi pa raw siya naniwala sa sinabi ng anak patungkol sa biko.

"Ganoon ka-petty. Akala ko joke lang eh, hindi, totoo pala," sabi niya sa panayam ng ABS-CBN.

Nagbiro pa ang komedyante na makakakain at makapagbebenta nang muli nito ang mga Pasigueño pag-upo ng kanyang anak.

Itinanggi naman ni Catherine Ciubal, public information officer ng Pasig, na ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ang pagbebenta ng biko sa palengke bago maghalalan.

Aniya, hindi naman inaalis ang karapatan ng mga taga-Pasig na kumain at magbenta nito.

Pangako ng pagbabago

Ayon naman kay Vic, sa tingin niya'y uhaw na sa pagbabago ang mga mamamayan ng Pasig kung kaya't nanalo ang anak.

"Palagay ko sang-ayon sila doon sa campaign ni Vico na, una sa lahat, 'iba naman,' at pangalawa, 'yung pagbabago,'" paliwanag ng noontime show host.

Tinapos ng pagwawagi ng batang alkalde ang 27 taong pamumuno ng pamilya Eusebio sa lungsod.

Maliban kay Bobby, namuno rin bilang alkalde ng Pasig sina Vicente Eusebio, Soledad Eusebio at Maribel Andaya-Eusebio.

"Ang tiningnan ng tao, 'yung integridad niya. 'Pag nagsalita siya kasi, ramdam mo na nanggagaling sa puso niya, hindi 'yung generic, motherhood statements," wika niya.

Show comments