MANILA, Philippines — Umaapela sa pamahalaan ang grupong Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) na itigil muna ang importasyon ng mga karne ng manok at baboy dahil nagiging dahilan aniya ito nang pagkalugi ng mga lokal na magsasaka sa bansa.
Ayon kay Nick Briones, presidente ng AGAP, matagal na nilang panawagan ang pagtitigil ng importasyon ng mga karneng baboy at manok sa pamahalaan, kahit tatlong buwan lamang o higit pa, ngunit hindi naman aniya ito binibigyang-pansin ng Department of Agriculture (DA).
Sinabi pa ni Briones na may lumalaganap na swine fever sa ibang bansa at posibleng ang maangkat na baboy ng mga importers ay kontaminado nito.
Bukod dito, ang pagbaha aniya ng imported agricultural products sa bansa ay nagreresulta sa pagkalugi ng mga local farmers.
Maging ang pamahalaan aniya ay tiyak na nalulugi rin sa buwis dahil sa technical smuggling at misdeclaration ng mga importer.