Ligal na!: Angkas pinayagan nang pumasada ng DOTr

Sakop ng panimulang pagpapatupad ang Metro Manila at Metro Cebu na magtatagal ng anim na buwan simula Hunyo.
File

MANILA, Philippines — Inaprubahan na ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade ang "pilot implementation" ng mga motorcycle taxi gaya ng Angkas bilang lehitimong transportation service.

Sakop ng panimulang pagpapatupad ang Metro Manila at Metro Cebu na magtatagal ng anim na buwan simula Hunyo.

"Patunay ito na nakikinig ang gobyerno sa publiko. Patunay ito na bukas ang aming mga isip," ani Tugade sa isang pahayag, Biyernes.

Ang desisyon ay bunga ng rekomendasyon ng isang technical working group na binubuo ng DOTr, na Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board atbp.

"Noong Disyembre ay inatasan natin ang pagbuo ng TWG, at itong general guidelines ang bunga ng mga pagpupulong na iyon," dagdag ng kalihim.

Magsisilbing batayan daw ito ng mga panukalang batas sa Senado at Kamara kaugnay ng pagreregula ng motorsiklong taxi sa bansa.

'Safety requirements'

Pinaalalahanan naman ni Tugade ang ride-hailing service sa responsibilidad na nakaatang sa mga riders ng kumpanya.

"Mariin naming binabalaan ang mga ride-hailing service na sumunod sa safety requirements sa kanilang operasyon. Huwag ninyong sayangin ang tiwalang ipinagkaloob namin sa inyo sa pagbibigay ng serbisyo publiko sa mga commuter," wika niya.

Ilan dito ang:

  • pagsusuot ng helmet, reflectorized vest at vest-based strap o belt
  • 60 kilometro kada oras na speed limit
  • pagmimintina sa maayos na kondisyon ng motor 
  • pagsusuot ng akmang uniporme
  • hindi hihigit sa 10 oras kada araw na pagbyahe ng rider kada araw 
  • pagkakaroon ng accident insurance

Oras na lumabag daw sila sa mga alituntunin, maaari raw uli itigil ang pamamayagpag nila sa kalsada.

"Pangunahing responsibilidad natin ang kaligtasan ng publiko. Kaya kapag pumalya kayo sa pamantayan natin, we will not have second thoughts on halting the pilot implementation."

Magkano ang pamasahe?

Sa paunang implementation sa Kamaynilaan, P50 muna ang singil sa unang dalawang kilometro.

Kung lalagpas dito, P10 kada kilometro ang singil hanggang pitong kilometro.

Sa mga susunod pang kilometro, P15 naman ang idadagdag.

Magpapataw naman ng 1.5x cap ang DOTr sa surge depende sa supply at demand.

Sa Metro Cebu, P20 ang singil sa unang kilometro.

Kung lalagpas dito, P16 kada kilometro naman ang dagdag hanggang sa ikawalong kilometro.

Para naman sa mga destinasyong lalampas sa walong kilometro, P20 kada kilometro na ang dagdag.

May kapangyarihan naman ang LTFRB na palitan ang surge cap.

Lalahukan ng 27,000 rider mula Mero Manila at Metro Cebu ang pilot implementation.

"Importante ang pilot implementation na ito upang ma-refine pa natin ang general guidelines, at masilip ang mga posibleng problema sa proseso o sa standards, nang sa gayon ay makatulong tayo sa pagbabalangkas ng batas na talagang akma sa mga pangangailangan at kaligtasan ng ating mga commuter," ani DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark de Leon.

Kasaysayan ng pagbabawal

Nobyembre taong 2017 iniutos ng lokal na gobyerno ng Makati na ipasara ang Angkas dahil sa kawalan ng permiso sa tanggapan ng alkalde.

Aniya, paglabag daw ito sa Section 4A.01 of the Revised Makati Revenue Code o Ordinance No. 2004-A-025.

Disyembre taong 2018, binigyan naman ng kapangyarihan ang LTFRB at DOTr na arestuhin ang mga tsuper ng Angkas matapos maglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema laban sa motorcycle ride-sharing app.

Wala raw kasi itong prangkisa ang kumpanya at inilalagay sa peligro ang mga pasahero.

"The safety of commuters are put at risk as motorcycles are not considered a safe mode of transportation," sabi noon ng LTFRB.

Show comments