MANILA, Philippines — Bumagal ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa unang kwarto ng 2019 matapos tumakbo sa reenacted budget ang pamahalaan, ayon sa huling ulat ng Philippines Statistics Authority ngayong Huwebes.
Naitala sa 5.6 % ang gross domestic product, o halaga ng lahat goods and services na nilikha ng bansa, mula Enero hanggang Marso ngayong taon.
Mas mabagal ito sa 6.3% noong huling kwarto at 6.5% sa parehong panahon noong 2018.
Ito na ang pinakamababang GDP growth mula nang naitala ang 5.1% sa unang kwarto ng 2015, mas mababa sa 2019 target ng gobyerno na 6-7%.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, 6.6% sana ito ngayon kung tumakbo sa 2019 budget ang pamahalaan.
"As we had forewarned repeatedly, the reenacted budget would sharply slow the pace of economic growth," sabi ni Pernia.
(Katulad ng paulit-ulit na naming ibinabala, labis na mapababagal ng reenacted budget ang paglago ng ekonomiya.)
Dagdag ng pamahalaan, malaki ang kailangan nilang gawin bago nila maabot ang kanilang target.
Una nang sinabi ng Department of Finance na negatibo ang magiging epekto ng nangyaring budget delay.
"[The target] becomes less attainable. It’s like a balloon. If you put a little more weight on it, it won’t fly as high," sabi ni DOF Secretary Carlos Dominguez III.
(Lalong hindi maaabot ang target. Para 'yang lobo. Kapag nilagyan mo ng pabigat, hindi 'yan gaano lilipad nang mataas.)
Naitala ang pinakamabilis na paglaki sa sektor ng serbisyo sa 7%, habang nasa 4.4% at 0.8% ang paglago ng industriya't agrikultura.
"Services had the highest contribution to the GDP growth with 4.0 percentage points, followed by Industry with 1.5 percentage points and Agriculture with 0.1 percentage point," ayon sa PSA.
(Pinakamataas ang naiambag ng mga serbisyo sa GDP growth na may 4.0 percentage points, na sinundan ng Industriya sa 1.5 percentage points at Agrikultura sa 0.1 percentage point.)
Muling ipinatupad ng gobyerno ang 2018 budget sa unang bahagi ng taon matapos pagtalunan ng mga mambabatas ang mga diumano'y "insertions" sa panukalang pondo para 2019.
Mabagal na GDP growth pero mababang inflation
Nangyayari ang lahat ng ito dalawang araw matapos sabihin ng PSA na bumaba sa 16-month low na 3% ang inflation rate.
Sinusukat ng inflation rate ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa isang takdang panahon.
Maliban dito, nataong naganap ito sa panahon ng halalan, kung saan inaasahang mas mataas ang election spending.
Nitong Pebrero, sinabi ni BPI lead economist Emilio Neri Jr. na inaasahan nilang mag-expand sa 6.5% ang GDP ngayong taon.
"Should oil prices stabilize this year, growth may accelerate further as household spending is expected to recover from the 2018 slowdown and as overall spending activity picks up ahead of the May 2019," ani Neri.
(Kung makakampante ang presyo ng langis ngayong taon, lalong bibilis ang growth habang inaasahang makabawi sa paggastos ang mga pamilya mula sa 2018 slowdown at habang tumataas ang kabuuang paggastos habang papalapit ang Mayo 2019.)