'Bikoy' iniugnay sa LP kahit idinawit ni Advincula si Noynoy sa drug trade
MANILA, Philippines — Sa press briefing ng Palasyo kanina, nanindigan si presidential spokesperson Salvador Panelo na may kamay ang Liberal Party, Magdalo party-list, media groups at Kaliwa sa "Ang Totoong Narcolist" video para siraan diumano ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, inilabas daw ang mga ito upang i-"boost" ang Senate candidacy ng opposition coalition na Otso Diretso.
Ito'y kahit na lumapit din daw kay Sen. Tito Sotto si Peter Advincula, ang nagpakilalang "Bikoy" na nag-ugnay sa mga Duterte sa iligal na droga, noong 2016 para ireklamo si dating Pangulong Benigno Aquino III sa illegal drug trade.
Nang tanungin tungkol dito ng reporter, iniwasan ni Panelo ang tanong at dali-daling naglabas ng panibagong "ouster plot" diagram.
Tulad ng inilabas na naunang ouster matrix, ibinigay daw ito kay Panelo ng Office of the President.
"'Yung nauna, baka sila-sila din 'yon. 'Yung kontra kay PNoy, 'yung kontra kay De Lima. Same group. Teka muna, 'wag muna tayo doon," sabi ng tagapagsalita ng presidente kanina.
Panelo shows diagram on the alleged conspiracy against the Duterte admin @PhilippineStar @PhilstarNews pic.twitter.com/b0N4OasPVC
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) May 8, 2019
Dagdag niya, posibleng galing daw ang reklamo kay Aquino mula sa mga "rebelde" ng LP.
"What appears from the information recieved by the president is that the one he presented previously against PNoy and other personalities would be coming from the same group antagonistic with the same members of the group. Meaning to say, it's coming from the same sector. It doesn't mean that all of you are in consonance with each other. There will be some rebels there who are doing their own thing," dagdag niya.
'Di lumaon, nanindigan naman ang Palasyo na hindi iisa ang boses ni Advincula sa "Bikoy" na nasa video.
Ibinase raw nila ito sa "voice analysis" na isinagawa raw nila.
Panelo: The voice of @bikoy on Episode of “Ang Totoong Narcolist” did not match that of Peter Advincula, who had surfaced as “Bikoy” | @xtinamen pic.twitter.com/exOZ2z8tCI
— The Philippine Star (@PhilippineStar) May 8, 2019
Pinangalanan naman ang isang "Bong Banal" bilang ang boses sa likod ng narrator ng "Ang Tunay na Narcolist" videos.
'New and improved matrix'
"What is important now is it appears from this diagram that the Liberal Party, the Magdalo and other groups indicated in the matrix are working hand in hand," pagpapatuloy ni Panelo.
Ayon daw sa isang intelligence information na natanggap nila, sa iisang opisina lang daw ang kanilang ginagamit.
Ilan pa sa mga pinangalanan ni Panelo na may "aktibong kolaborasyon" daw ay sina dating presidential spokesperson Edwin Lacierda, Cocoy Davao, Communist Party of the Philippines founding Chairperson Jose Sison, Antonio Trillanes, Rodel Jayme, Bong Banal, Arman Pontejos at iba pang supporter daw ng LP.
Ilalagay na raw nila Panelo sa kamay ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra kung makahahanap sila ng sapat na ebidensya para maghain ng kaso.
Nauna nang pinangalanan ni Panelo ang Vera Files, Philippine Center for Investigative Journalism, National Union of People's Lawyers at Rappler.
Ipinilit din ni Panelo ang ugnayan sa pagitan ng National Union of Journalists of the Philippines, Otso Diretso candidates Gary Alejano, Florin Hilbay, Trillanes at Ellen Tordesillas.
Inilabas ang pinalawig na diagram kahit na una nang sinabi na ng Armed Forces of the Philippines public affairs chief Col. Noel Detoyato na wala silang "specific threat" sa administrasyon ni Duterte.
Reaksyon ng mga akusado
Hindi naman ikinatuwa ng ilan sa mga pinangalanan sa matrix ang panibagong mga pahayag ni Panelo.
"I am confident that I have no hand in that video," giit ni Alejano sa panayam kanina ng ANC.
"Now, kung talagang involved kami... kasuhan kami. In fact, right now, they can file cases against us so that we can defend ourselves. Baka magmukha namang tanga sila diyan kapag nagkaso sila nang walang ebidensya."
Muli namang pumalag si Vera Files President Ellen Tordesillas sa panibagong pasabog ni Panelo.
"I deny allegations by Presidential Spokesperson Salvador Panelo linking me to any imagined destabilization efforts against the administration. I challenge him to present evidence, not just silly diagrams," wika niya.
Matatandaang nagbitiw sa pwesto kamakailan ang managing editor ng Manila Times, na unang naglabas ng ouster matrix, matapos sabihing "poorly sourced" ang storyang nag-uugnay sa mga nabanggit sa pagpapatalsik sa pangulo.
- Latest