‘Nilaglag nila ako’

Ito ang inihayag ng inarestong webmaster ng “Bikoy” video na si Rodel Jayme nang iharap kahapon sa media ng National Bureau of Investigation (NBI).
Russell Palma

MANILA, Philippines — “Nilaglag nila ako.”

Ito ang inihayag ng inarestong webmaster ng “Bikoy” video na si Rodel Jayme nang iharap kahapon sa media ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay Jayme, dati siyang supporter ng Li­beral Party na mahigpit na kalaban ng ad­ministrasyon at ang nagpagawa sa kaniya ng website ay supporter din mula sa nasabing grupo.

Nang maigawa niya ng website ang isang “Maru “ at “Maru Xie” ay binigay niya rito ang access at hindi niya akalain na magkakaroon ng pag-a-upload ng nasabing kontrobersiyal na video na nagdadawit sa pamil­ya ni Pangulong Duterte sa illegal drug trade.

“Ang alam ko lang ga­gamitin nila yun para dun ipost ang mga achievements ng nakalipas na administrasyon at ng partido (Liberal) … hindi ako guilty kaya hindi ako nagtago at kusang sumama sa NBI dahil wala akong alam sa mga na-upload na videos na yun…natanggap ko lang ang ibinigay sa akin na P2,500 para ibayad sa webhosting at domain ng website,” ani Jayme.

“Feeling ko nilaglag ako,” ani Jayme.

“Kaya ko sinabing nilaglag ako kasi malapit sa akin at kaibigan ko ang nakiusap na igawa ko ng website, tapos ganito nga ang nangyari.”

Iginiit niya na hindi siya ‘bayaran’ o tumanggap ng bayad para ma­ging supporter bagkus ay kusang loob siyang sumuporta noon sa Li­beral at makalipas ang halalan ay agad na siyang dumistansiya sa pulitika.

Si Jayme ay nahaharap sa kasong inciting to sedition sa Department of Justice.

Aminado si Jayme na may pangamba din siyang nararamdaman kaya mas nais pa niyang manatili sa kustodiya ng NBI para sa seguridad at handa siyang maki­pagtulungan at maging state witness.

Show comments