MANILA, Philippines — Kakailanganin na maitaas ng Social Security System (SSS) sa 0.5 percent ang kontribusyon ng mga miyembro para pondohan ang dagdag na benepisyo para sa Expanded Maternity Leave Law.
Ayon kay Normie Doctor, SSS vice president for the Benefits Administration Division, kailangang magkaroon ng dagdag na kontribusyon kung hindi ay maaapektuhan ang pondo ng SSS para sa iba’t ibang benepisyo ng mga miyembro.
Nilagdaan nitong nagdaang Labor Day ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Implementing Rules and Regulations ng Expanded Maternity Leave Law o Republic Act 11210.
Ang naturang batas ay magkakaloob ng paid maternity leave ng mga kababaihan ng may kabuuang 105 araw o mahigit 3 buwan mula sa kasalukuyang 2 buwan o 60 araw na maternity leave.
Sinabi ni Doctor na sa napagtibay na batas, walang sinasabi kung saan magmumula ang pondong gagamitin sa expanded maternity leave.
“Since SSS ang nagbabayad ng maternity benefit, ibig sabihin, kami ‘yung magsho-shoulder ngayon nitong increase in the amount of maternity benefit, ang financial impact niya on the fund life of SSS is that it will cut the fund life of SSS by one year,” sabi ni Doctor.