MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ng ilang grupo sa House of Representatives of the Philippines ang katakot-takot na pagkaantala at kanselasyon ng flights na naranasan kamakailan ng libu-libong pasahero, kabilang ang maraming overseas Filipino workers.
Umabot sa 10 flights kada araw ang kinansela ng Cebu Pacific ngayong buwan ng Mayo, maliban pa sa 23 flights mula ika-28 hanggang ika-30 ng Abril.
"Cebu Pacific has to temporarily reduce the number of its flights given the current operating conditions, particularly in its Manila hub," sabi ng budget carrier.
Ilan sa mga naperwisyo nito ang Makabayan senatorial candidate at Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares.
"I myself suffered a seven hour delay of my Cebu Pacific flight last April for Bicol and I was forced not to attend a Mitong de Avance in Bacolod last May 1 because of flight delays of Philippine Airlines (PAL)," ayon sa dating mambabatas.
Ayon kay Colmenares, napaka-"unprofessional" ng mga pangyayari at dapat may mapanagot.
Kaugnay nito, pinapapaspasan na nila ang pagpapasa sa inihaing House Bill 6191 o "Passengers Bill of Rights" sa 17th Congress, na siyang magbibigay danyos sa mga napeperwisyo ng pagkaantala.
"If enacted into law air passengers will be protected and compensated with P10,000 when airline delays and cancelations occur," sabi ni Colmenares, na dati ring naging representante ng Bayan Muna.
Hindi ito pumasa nitong 16th Congress kung kaya't ni-refile ang nasabing panukala.
Sinegundahan naman ni Carlos Zarate, na incumbent representative ng Bayan Muna party-list.
"We are calling on House leaders to fast track House Bill 6191 and call a motu propio oversight hearing on this issue," dagdag ni Zarate.
Imbestigasyon sa Kamara, CAB
Sinabi naman ni Zarate na dapat makumpirma sa imbestigasyon ng Kamara kung totoo ang mga natatanggap nilang balita na pinalalawig ang kanilang aircraft usage kada araw, dahilan para masakripsyo raw ang maintenance window.
"It is said that they have been adding more destinations and frequencies without enough equipment (aircraft). We have also received reports that Cebu Pacific flight cancelations is due to union busting moves of the management to harass and fire their organized workers," wika ng mambabatas mula sa Davao.
Sinabi ng Cebu Pacific sa isang disclosure sa stock exchange nitong Martes na binabawasan nila ang arawang operasyon para makalikha ng espasyo para sa "operational recovery."
Sa panayam ng Business World, ibinahagi ni Civil Aeoronautics Board Executive Director Carmelo Arcila na may nakatakdang pagdinig sa ika-6 ng Mayo, Lunes, kasama ang Cebu Pacific para malaman kung papatawan ng parusa ang budget carrier.
Ito na ang ikalawang hearing matapos ang pagdinig nitong Huwebes.
"We are not yet done," wika ni Arcilla.
Pinasusumite na rin daw nila ng karagdagang paliwanag ang kumpanya para malaman kung saan nagmula ang problema.