Pre-shaded ballot pinabulaanan ng Comelec
MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Commission on Elections (Comelec) ang ulat na may mga balotang namarkahan na bago pa ang araw ng halalan sa Mayo 13.
Ayon kay Comelec executive director Jose Tolentino, walang katotohanan ang kumakalat na video online na may mga balotang pre-shaded na, gayundin na hindi naman official ballot ang nakita sa naturang video.
Paliwanag ni Tolentino, parte ng security features ng balota ang ultraviolet marks, pero hindi umano makikita sa mismong bilog na mamarkahan ng mga botante.
“So we tested. Eh hindi naman binabasa ng VCM (vote-counting machine) yon. The VCM actually looks for a black ink. Yung talagang ink, hindi invisible,” ani Tolentino.
Tiniyak ng opisyal na sakaling may maiulat na UV marks sa mga bilog ng balota ay hindi ito babasahin ng vote counting machines.
Ani Tolentino, malinaw na scripted ang video dahil wala ang QR code sa balotang ginamit ng nag-upload nito.
Paliwanag ni Tolentino, hindi tatanggapin ng VCM ang balota kung wala ang UV marks ng Comelec at NPO (National Printing Office) dahil ang ink ng UV marks ay may specific composition.
Huwag na rin umanong tangkaing ipeke ang balota dahil made-detect ito ng VCM.
- Latest