UP pasok sa THE top 100 universities sa Asya

Sa listahan, lumalabas na ika-95 ang UP sa "pinakamahusay" na unibersidad mula sa halos 400 na unibersidad sa Asya na ini-ranggo ng organisasyon.
File

MANILA, Philippines — Muling namayagpag ang Unibersidad ng Pilipinas sa kalalabas lang na Times Higher Education Asia University Rankings ngayong 2019.

Sa listahan, lumalabas na ika-95 ang UP sa "pinakamahusay" na unibersidad mula sa halos 400 na unibersidad sa Asya na ini-ranggo ng organisasyon.

Gumamit ang THE ng 13 "performance indicators," kahalintulad sa ginagamit ng THE World University Rankings.

Gayunpaman, ni-"recalibrate" ang mga naturang indicators batay sa mga prayoridad ng Asian institutions.

"The universities are judged across all their core missions – teaching, research, knowledge transfer and international outlook – to provide the most comprehensive and balanced comparisons available," ayon sa kanilang site.

Kasalukuyan namang nasa ika-251 hanggang 300 na ranggo ang De La Salle University.

Simula pa noong 2017, lumalabas na sa THE rankings ng Asya ang pambansang pamantasan ngunit ito ang unang pagkakataon na pumasok ito sa top 100.

Tumalon ang UP ng 61 pwesto pataas ngayong taon mula sa dati nitong ika-156 na posisyon taong 2018, dahilan para mapanatag ang unibersidad sa upper 23% ng 417 eskwelahan mula sa 27 bansa.

"It is one of only five universities from Southeast Asia in the top 100, with two from Singapore and the other two from Malaysia. UP remains the highest ranked university from the Philippines," ayon sa Office of the Vice President for Academic Affairs ng UP.

Nitong Oktubre 2018, nakapasok naman ang UP sa top 600 ng 2019 THE World University Rankings.

Ngayong taon, naitala rin ng London-based THE ang pagtalon ng UP patungong ika-87 sa rankings ng mga unibersidad sa mga "emerging economies" sa Asia-Pacific region.

"For the fifth year running, UP was in the top 100 of the QS (Quacquarelli Symonds) Asia University Rankings, holding the 72nd spot in 2019," wika ng UP OVPAA.

Itinuturing ang QS rankings bilang isa sa mga pinakaprestihiyoso sa mundo.

Tsina, Singapore nanguna

Kasalukuyang nasa numero unong pwesto ang Tsinghua University ng Tsina sa impluwensyal na university rankings.

Ito ang unang beses na nasungkit ng nasabing pamantasan ang top spot matapos maungusan ang University of Singapore.

Nasa ikatlong pwesto naman ang Hong Kong University of Science and Technology, na sinundan ng University of Hong Kong sa 4th place.

Samantala, Japan naman ang "most represented" na bansa sa listahan na nakakuha ng 103 institutions, mas mataas sa 89 noong 2018.

Show comments