Nag-upload ng 'Bikoy' videos arestado, ayon sa DOJ
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Justice nitong Huwebes na nahuli na ang nasa likod ng pagpapaskil ng videos ng isang "Bikoy" na nag-uugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakalan ng droga.
"Ito yung taong nag-upload ng video na hinuli para sa cybercrime, specifically cyberlibel," sabi ni DOJ spokesperson Markk Perete sa isang text message sa Ingles.
Wala pa namang isinasapublikong detalye patungkol dito habang hinihintay pa pa raw ng DOJ ang ulat ng National Bureau of Investigation.
"Naglabas at naghain na ng search warrant. Aalamin pa namin kung anong nangyari noong naghalughog," sabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Kinumpirma naman ng NBI na hawak nila ang isang "person of interest." Maglalabas naman daw sila ng karagdagang detalye sa nakatakdang press conference sa Biyernes.
Mga iniuugnay sa drug trade, matrix
Ilan sa mga nauna nang iniugnay ng videos sa drug syndicate ay sina presidential son at dating Davao Vice Mayor Paolo Duterte at senatoriable na si Bong Go.
Si Go ay dating special assistant to the president ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang ipinakita ni Go sa publiko ang kanyang likod bilang pruweba na wala siyang dragon tattoo, na makikita raw sa mga miyembro ng triad.
Dati na ring nag-alburoto si Digong kaugnay ng mga videos matapos nitong akusahan ang may bahay na si Cielito “Honeylet” Avanceña na nakatatanggap diumano ng pera mula sa drug syndicates gamit ang bank account na nakapangalan kay Kitty, ang 14-anyos na anak ng presidente.
Sinabi ni Duterte na human rights advocates daw ang nasa likod ng videos.
"Human rights, son of a b****. Human rights, kayong mga black propaganda. Pati ‘yang anak kong si Veronica, 14 years old drug addict? May ipalabas ako," wika ng pangulo.
Sentro si "Bikoy," isang anonymous na personahe, sa inilabas na outster plot matrix ng Malacañang at Manila Times kamakailan kung saan iniuugnay din ang tatlong media organizations at grupo ng human rights lawyers.
Ilan sa mga kasama rito ay ang Vera Files, Center for Media Freedom and Responsibility, Rappler at National Union of People's Lawyers.
Tinawag namang "poorly sourced" ng nagbitiw na editor ng Manila Times ang "exposé" ng dati niyang pinagtratrabahuhan, at sinabing hindi pruweba ang nasabing matrix na nagplaplano ng kudeta ang mga nasabing peryodista't abogado.
'Hindi kailangang patunayan'
Nitong Miyerkules, sinabi ng Palasyo na "hindi na kailangang patunayan" ang diagram na kanilang inilabas.
"Humihingi ng patunay 'yung mga nasa matrix pagdating sa kaugnayan nila sa ouster plot. Hindi na kailangan 'yon. Ipinapakita ng matrix na may planong patalsikin ang pangulo. 'Plot' pa lang 'yan, plano, ideya,'" sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang pahayag.
Inihalintulad ito ni Panelo, isang abogado, sa conspiracy.
"Hindi krimen ang conspiracy maliban na lang kung sinabi ng batas na krimen ang partikular na planong gumawa ng krimen," dagdag niya.
Binatikos naman ito ng NUPL, at sinabing kinakailangan nila itong patunayan bilang
"Obligasyon ng nag-aakusa na magbigay ng pruweba sa kanyang alegasyon," sabi ni NUPL President Edre Olalia sa panayam ng ANC.
"Puwede kaming maghain ng administrative charges laban sa mga taong niyuyurakan dahil lang sa paggawa ng kanilang trabaho." – with reports from Kristine Joy Patag
- Latest