2.9M bata sa Pinas wala pang bakuna
MANILA, Philippines — Nasa 2.9 milyong bata pa sa bansa ang nanatiling walang bakuna, ayon sa United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF).
Ayon sa UNICEF, mas dumarami ang mga batang nanganganib ang buhay at kalusugan.
Ilan sa mga mapanganib na sakit na maaaring makuha ng mga bata sa kawalan ng kaukulang bakuna ay ang polio, tigdas, beke at rubella.
Sa datos ng UNICEF nitong 2017, bumagsak sa 73 porsyento ang measles immunization coverage mula sa dating 88 percent noong 2013. Nitong nakaraang taon, mas lalong bumagsak ang bilang ng mga batang nabakunahan kontra tigdas sa 70 porsyento.
Ilan sa malalaking dahilan kung bakit bumagsak ang bilang ng mga batang nagpapabakuna ay dahil sa kawalang interes ng mga pamilya nito, pagkaubos ng bakuna, kulang sa sapat na pagsasanay ang health workers na mangunguna sa immunization o kaya nama’y dahil sa napakalayong tirahan ng mga bata.
Nitong Enero, halos 30,000 ang kaso ng tigdas sa bansa kung saan 389 ang iniulat na namatay.
Bukod sa tigdas, kasama rin sa mandatory basic immunization ang mga bakuna kontra TB, polio, hepatitis B, type B influenza, diphtheria, tetanus at pertussis.
- Latest