MANILA, Philippines — Wala na ni isa kataong na-trap sa gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga.
Ito ang idineklara kahapon ni Office of Civil Defense Director Marlou Salazar.
Dahil dito ay inihinto na ang isinasagawang search, rescue and retrieval operations sa lugar.
“Pina-stop na natin yung search, rescue and retrieval aspect operations, sa ngayon clearing of debris na lang at wala ng sign ng mga tao,” wika ni Salazar na sinabing nabuksan at na-clear na ang customer area, entrance at exit ng mall habang all accounted na rin ang lahat ng mga empleyado ng supermarket.
Sinabi naman ni P/Colonel Jean Fajardo, director ng Pampanga Provincial Police Office na may lima pang nawawala sa listahan pero ayon sa opisyal ay bineberipika pa nila kung pumasok o nakalabas na ang mga ito ng supermarket ng mangyari ang lindol.
Nabatid na nasa 30 katao ang inisyal na napaulat na nasa loob ng 4 storey-building kung saan nasa ibabang gusali ang Chuzon Supermarket, stockroom sa ikalawang palapag, habang opisina sa 3rd floor at tuluyan naman ng mga empleyado ang ikaapat na palapag.
Gumuho ang Chuzon supermarket nang yumanig ang magnitude 6.1 lindol sa Luzon nitong Abril 22.
Sa 18 nasawing biktima, 15 dito ay sa Porac partikular na sa Chuzon Supermaket, dalawa sa bayan ng Lubao at isa sa Castillejos, Zambales.
Nasa 242 naman ang mga nasugatan sa insidente.