Nasawi sa lindol, 18 na; 7 missing
MANILA, Philippines — Lumobo na kahapon sa 18 katao ang nasawi habang nasa 282 ang nasugatan at pito pa ang nawawala sa pagyanig ng magnitude 6.1 lindol sa Luzon.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, 15 sa mga nasawi ay mula sa gumuhong Chuzon Supermarket sa bayan ng Porac at dalawa sa Lubao na pawang sa Pampanga at isang batang lalaki naman sa Castillejos, Zambales.
Mula sa dating nairekord na 183 sugatan ay tumaas na rin ito sa 282 katao.
Samantala pito na lamang ang nawawala matapos makauwi na ang ilan sa mga empleyado ng Chuzon Supermarket na hindi nagreport sa pangasiwaan nito kaya hindi nabilang na kasama sa mga nakaligtas sa trahedya.
Kaugnay nito, inihayag ni Jalad na dalawang araw hanggang isang linggo na lamang ang itatagal ng isinasagawang search, rescue and retrieval operations sa Chuzon Supermarket.
Inihayag ng opisyal na nalalagay rin sa peligro ang buhay ng mga rescuers mula sa PNP, AFP, MMDA, Philippine Air Force, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at iba pang mga rescuers mula sa mga Local Government Units (LGUs).
Nasa mahigit 2,000 kabahayan at istruktura ang napinsala habang naitala sa P505 milyon ang halaga ng nasirang eskuwelahan, tulay at lansangan sa Regions 1, 3, CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) at National Capital Region (NCR).
- Latest