MANILA, Philippines — Limang araw bago ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, naghain ng petisyon ang ilang grupo ng manggagawa para madagdagan ng P213 ang kasalukuyang minimum wage sa National Capital Region.
Sa kasalukuyan, nakapako sa P537 ang minimum wage sa Kamaynilaan, na siyang pinakamataas na sa bansa.
Aniya, sadyang hindi na makaagapay ang arawang sahod sa pang-araw-araw na gastos ng karaniwang Pilipino.
"Each day, Flipino workers find it harder to feed their families and survive due to the non-stop increase in the price of commodities and services," ayon kay Jen Pajel, pampansang tagapangulo ng Kilos na Manggagawa.
Sa pitong pahinang petisyon, sinabi ng petitioners na P23,660 kada buwan o P1,004 ang "family living wage" para sa mga pamilyang may limang miyembro, bagay na ibinase nila sa pag-aaral ng IBON Foundation.
Ito'y 75% lamang ng hinihingi ng mga petitioner.
Malaki rin daw ang naiambag ng pagkakapasa ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion law sa kanilang kalbaryo, na lalo raw nagpataas ng mga presyo ng bilihin.
Maliban sa KnM, na samahan ng mga kontraktwal na manggagawa, kasama ang Metal Workers Alliance of the Philippines at BPO Industry Employees Network sa mga nagsumite nito.
"It is high time that the Government grant a significant wage increase to help ease workers’ burden," dagdag ni Pajel.
Bagama't bumagal ang inflation rate sa unang kwarto ng 2019, sinabi ng IBON Foundation na tumataas pa rin ang presyo ng mga bilihin.
Ani Pajel, malaki raw ang maitutulong ng umento sa sahod para makontra ang "zero real wage growth" sa Pilipinas.
Sa 2018 report ng World Bank, sinasabi na tumaas ng 50% ang output kada manggagawa ngunit wala namang itinaas ang real wage.
"[R]eal wage grew zero, which means the workers have not benefitted from the productivity growth," ani Rong Qian, senior economist ng World Bank.
Ayon kay Pajel, tanging mga kapitalista't oligarko lang daw ang nakikinabang sa pagtaas ng kita simula pa noong 2001.
"We ask only what is due to workers, a small share for our labor," dagdag ng KnM.
P750 sa buong bansa
Ayon sa grupo, bahagi lang ang petisyon ng kanilang kampanya para gawing P750 ang minimum sa lahat ng rehiyon sa bansa.
"The impact of higher prices is felt all over the country. It stands to reason that we should just have one minimum wage," ani Pajel.
Banta ng grupo, gagayahin daw ang kanilang petisyon sa lahat ng rehiyon sa bansa habang ikinakampanya niya ang legislated national minimum wage.
Nanawagan ang lider manggagawa sa lahat ng unyon at organisasyon sa paggawa na mag-file ng kani-kanilang petisyon batay sa diperensya ng kanilang minimum wage sa target na P750.
"CALABARZON or Region IV-A which has a minimum wage of P400 should have a wage hike of P350. The Davao Region, which has a minimum wage of P396 should have a wage hike of P354," dagdag niya.
Nanawagan naman sila sa mga kandidato ngayong 2019 midterm elections na suportahan ang kanilang hiling.