3 patay sa chopper crash

Ang bumagsak na chopper.
Omar Padilla

MANILA, Philippines — Tatlo katao ang nasawi kabilang ang isang maimpluwensya at kilalang negosyante makaraang bumagsak sa fishpond ang isang private chopper sa Brgy. Anilao, Malolos City, Bulacan kahapon.

Ayon kay P/Colonel Chito Bersaluna, Provincial Director ng Bulacan Police, nangyari ang insidente bandang alas-12:50 ng tanghali.

Nasawi si Liberato “Levy “ Laus, 67, Chairman/ Chief Executive Officer (CEO) ng Laus Group of Companies, pilotong si Capt. Eve­rett Coronel at security escort nitong si Wilfran Esteban, 41.

Sa imbestigasyon, sinabi ng opisyal na dalawa sa mga biktima ay dead-on-the-spot habang isa ang binawian ng buhay sa pagamutan.

Lulan ang mga biktima ng private helicopter na may body markings RP C8098 nang biglang magloko ang aircraft at tuluy-tuloy na bumulusok at bumagsak sa naturang palaisdaan sa lugar. 

Agad nagresponde ang pulisya nang matanggap ang impormasyon na nagsagawa ng search and rescue operations sa mga biktimang posible pang masagip.

Ang helicopter ay galing sa Maynila at patungong Pampanga nang mangyari ang insidente.

Isinasailalim na ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito. 

Si Laus ang kasalukuyang Chairman Emeritus ng Pampanga Chamber of Commerce and Industry at dating Pangulo ng Clark Deve­lopment Authority.

Show comments