MANILA, Philippines — Lumiit ang proportion ng mga pamilyang nakararanas ng gutom sa unang kwarto ng taon, ayon sa bagong survey ng Social Weather Stations.
Sa pag-aaral ng SWS nitong ika-28 hanggang ika-31 ng Marso, sinasabing 9.5% o 2.3 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng 'di sinasadyang pagkagutom sa nakalipas na tatlong buwan.
Mas mababa ito ng isang porsyento kaysa sa 10.5% (2.4 milyong pamilya) noong ikaapat na kwarto ng 2018.
Ito na ang ikalawang magkasunod na quarter na bumaba ang hunger incidence.
Sa Kamaynilaan, bumaba iyo ng 6.6 na puntos patungong 11.7% (387,000 pamilya) at 2.2 puntos patungong 6.1% (345,000 pamilya) sa Mindanao.
Gayunpaman, tumaas ito ng 0.6 puntos patungong 10.3% (1.1 milyong pamilya) sa Balance Luzon at 0.8 puntos patungong 10% (472,000 pamilya) sa Visayas.
Kung titilad-tilarin, 8.1% (2 milyong pamilya) ang nakaranas ng "moderate hunger" — na nangangahulugan ng "isa" hanggang "ilang beses" na pagkagutom sa nakaraang tatlong buwan — habang 1.3% (327,000 pamilya) ng mga respondent ang nagsabing "palagian" ang kakulangan nila sa pagkain at nakararanas ng "matinding gutom."
Isinailalim naman sa "moderate hunger" ang mga hindi idinetalye kung gaano sila kadalas magutom (0.4% o 98,000 pamilya), sabi ng SWS.
Merong sampling error margin na ±2.6% para sa national percentages ang survey, at tig-±5% para sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas at Mindanao.