MANILA, Philippines — Sinampahan ng kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman si Pangasinan Gov. Amado Espino III dahil sa umano’y maanomalyang pagpapagawa sa sports oval track sa Alaminos City National High School sa Barangay Magsaysay, Pangasinan.
Sa tatlong pahinang reklamo na isinampa ni Michelle Anne B. Celino sa tanggapan ng Ombudsman for Luzon noong Abril 16, 2019, inakusahan nito si Espino ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act matapos umanong malustay ang P13 milyon para sa pagpapagawa ng sports oval track and event stage noong 2018 kung saan maituturing umano itong overpriced.
Dinala umano ni Espino ang nasabing halaga sa pagpapagawa ng naturang proyekto matapos ganapin sa Alaminos City National High School ang 2018 Region 1 Athletic Association Meet. Ginamit din umano ito sa pagtatambak ng lupa, pagpapaaspalto ng oval at pagpapagawa ng bleachers at stage sa idineklarang halaga ni Espino.