Death toll sa lindol: 16 na

Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad na karamihan sa naitalang patay ay sa Pampanga.

MANILA, Philippines — Umakyat na sa 16 katao ang nasawi, 81 ang sugatan habang 14 pa ang nawawala sa magnitude 6.1 lindol na tumama sa ilang bahagi ng Luzon kabilang ang Pampanga, Zambales at Metro Manila.

Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad na karamihan sa naitalang patay ay sa Pampanga. 

Sa 16 nasawi, lima dito ay mula sa gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, pito mula sa iba pang mga barangay sa nasabing bayan, dalawa sa Lubao, isa sa Angeles City at isa sa San Marcelino, Zambales na kinilalang si Waren Serano, 6 anyos na nabagsakan ng malaking tipak na bato.

Naitala naman sa 29 istraktura at gusali ang napinsala.

Sa pahayag ng Human Resource  Office ng Chuzon Supermarket ay 92 empleyado nila ang nasa loob pero may mga nakalabas at ang ikatlo saka ikaapat na palapag ay tirahan ng mga empleyado, storage room ang ikalawang palapag habang supermarket naman ang ground floor.

Karamihan din umano sa mga survivors ay mga empleyado ng grocery store, habang ang tatlo sa nasawi ay pawang mga mamimili.  

Samantala, inirekomenda na ni House Spea­ker Gloria Macapagal-Arroyo ang pagsasailalim sa Pampanga sa state of calamity.

Ayon kay Arroyo, ito ay para magamit ang calamity funds ng probinsya sa relief operations kasabay ng pagbuhos ng tulong mula sa pribadong sektor.

Prayoridad sa ngayon ay kumpletuhin ang rescue at relief operations, bigyan ng atensyong medikal ang mga nasugatan at funeral requirements para sa mga namatay gayundin ang pagpapakain sa mga residenteng lumikas.

Show comments