Visayas, Bicol niyanig ng 6.5 lindol
MANILA, Philippines — Matapos yanigin ng magnitude 6.1 lindol ang Luzon ay niyanig naman kahapon ng 6.5 magnitude lindol ang Kabisayaan, Bicol region at Eastern Mindanao.
Tumama ang lindol sa layong 19 kilometro northwest ng San Julian, Eastern Samar ala-1:37 ng hapon.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum, walang kinalaman ang lindol sa Eastern Samar sa 6.1 lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Luzon.
Ayon sa Phivolcs, tectonic ang ugat ng lindol at umaabot sa 63 kilometro ang lalim ng lupa ng lindol.
Bunga nito, naramdaman ang intensity 5 sa Tacloban City at Catbalogan City. Intensity 4 naman sa Masbate City, Legazpi City at Sorsogon City. As of 3 pm kahapon ay mahigit 40 aftershocks na ang naitala.
Niliwanag ni Ismael Narag, seismologist ng Phivolcs na mababaw ang source ng lindol sa Luzon noong Lunes na 6.1 magnitude kayat malakas ang epekto nito at nakasira ng gusali.
Naiulat naman sa Visayas na walang gaanong mga silid aralan at gusali ang naapektuhan ng lindol doon dahil karamihan ay hanggang second floor lamang at walang gaanong high rise buildings.
- Latest