NUPL: Legally 'basura' ang oust Duterte matrix
MANILA, Philippines — Walang patutunguhan sa korte, 'yan ang pananaw ng isang grupo ng mga progresibong abogado pagdating sa inilulutang na matrix ng Malacañang at Manila Times patungkol sa diumano'y panibagong "ouster plot" laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa "ouster plot," sinasabing ginagamit daw ang media at pekeng balita para galitin ang taumbayan at mahikayat ang mga alagad ng batas mag-kudeta para mapatalsik si Duterte.
Ang dokumento, na nag-uugnay sa Vera Files, Philippine Center for Investigative Journalism, Rappler at National Union of People's Lawyers kay "Bikoy" ay unang inilathalata ng Manila Times, Lunes.
Pero wala naman daw itong evidentiary value sabi ng pamunuan ng NUPL, na kasama sa mga idinidiin ng Palasyo.
"Any first year law student knows na 'pag unidentified 'yung source na 'yan, walang value 'yan in terms of evidence. Otherwise, kung may value 'yan, eh 'di lahat tayo magkasuhan amongst ourselves basta unnamed source lang, makukulong ka," sabi ni Neri Colmenares, chairperson ng NUPL, Martes ng umaga.
Maliban sa matrix na inilabas sa artikulo ni Dante Ang, ipinakita rin ito ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa press briefing kahapon ng Malacañang.
Pareho nilang sinasabi na nagmula ito mula sa Office of the President ngunit tumangging sabihin kung sino ang mismong source.
"In fact, ang unang problem ng Malacañang at ni Secretary Panelo, who's also a lawyer... galing [ito] sa isang source na hindi siya," wika ni Colmenares, na tumatakbo rin sa pagkasenador.
Paliwanag niya, dalawa raw ang hinihingi ng evidentiary rules:
- Dapat "credible" ang ebidensya o may personal na kaalaman ang saksi
- Dapat "credible" din ang sinasabi
Kung ito ang mga pagbabasehang pamantayan, hindi raw ito swa-swak sa mga panuntunan.
Dahil ibinigay lang kay Panelo ang matrix, hindi niya nagawang ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mga detalye't nakaguhit doon.
“The source... is from the Office of the President, from the president himself. I don’t know how [Manila Times chairman emeritus Dante Ang] got one, but it’s coming from the president. I talked to him the other day,” ani Panelo.
Ganito rin daw ang lumalabas kung pakikinggan ng pahayag mismo ni Digong pagdating sa mga alegasyon — hindi uli sila ang primaryang source ng impormasyon.
"[K]ung sundan mo yung statement ni President Duterte, ito'y galing sa isang foreign intelligence source. So twice removed sila agad. So kung pupunta ka kay Dante Ang, triple... Galing ito sa isang source ng Malacañang, na galing sa Office of the President, na galing sa isang foreign [source]... That is the worst hearsay you can use," sabi ng abogadong kandidato.
Hindi rin daw patas na walang inihaharap na mukha o pangalan ang pamahalaan na pinanggalingan nito.
Aniya, karapatan sa Saligang Batas na makaharap ng inaakusahan ang nag-aakusa sa kanya.
"How can you confront witnesses against you, you don't even know who [they are]. Sasabihin lang nila, 'A foreign intelligence body,' or a 'confirmed source.' Legally basura 'yan," dagdag ni Colmenares.
Reaksyon ng media
Umani na rin ng batikos mula sa media organizations na Vera Files, PCIJ at Rappler ang "peke" at "walang basehan" na pag-uugnay sa kanila sa isyu.
"What I find disturbing is, if this is the kind of intelligence report that the President gets and bases his actions and policies on, the country is in big trouble," sabi ni Ellen Tordesillas, presidente ng Vera Files.
Nilinaw naman ng PCIJ na mali sa maraming kadahilanan ang paratang ng gobyerno na sangkot sila sa kampanya para mapatalsik ang presidente.
Hindi naman daw sila magpapatinag sa mga nangyayari at mananatiling kritikal sa kanilang pamamahayag.
"Ang malaya, walang takot, at mapanuring press ay sagisag ng demokrasya. Ang press na tiklop-tuhod sa harap ng kapangyarihan, at umiiwas na magbigay ng sapat na impormasyon sa mga mamamayan ukol sa mga mahahalagang usaping bayan, ay pagkutya sa kanyang kabuluhan," sabi ng PCIJ.
Nabahala rin sila sa posibilidad na maaaring nilalabag na ng Office of the President ang privacy ng mga reporter dahil sa diumano'y pagmamanman sa e-mail ng mga nabanggit, bagay na sinabi raw sa artikulo ng Manila Times.
Tulad ng mga militante, tinawag ding basura ni Rappler CEO Maria Ressa ang reklamo.
"It's embarrassing for supposed 'intelligence' using i2 analyst notebook software to make fantasies look plausible. Go back to the drawing board. I've worked with many good folks in PH intelligence. Sad to see them reduced to garbage. Yet another Palace ploy to harass journalists," sabi niya sa isang pahayag.
Kapansin-pansin din ang mali-maling detalye sa matrix, kasama ang pagpapangalan kay Inday Espina-Varona bilang miyembro ng NUPL kahit na siya'y peryodista at hindi abogado.
Matatandaang inihalintulad ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa "Red October" plot ang panibagong alegasyon, na napatunayan naman daw na peke.
Una nang sinabi ng Bayan Muna na ginagawa ito ngayon ng pamahalaan upang takutin ang mga peryodista at human rights lawyers.
Kaso ihahain
Samantala, kinumpirma ni Colmenares na maghahain sila ng mga reklamo kaugnay ng inilabas na association matrix.
“We will file charges either collectively or as an organization,” sabi niya sa "Early Edition" ng ANC.
Tinitignan na raw nila ang posibilidad ng paglabag ng Palasyo sa Anti-Wiretapping Law, Electronics Engineering Law at Data Privacy Act.
Sa isang text message naman nitong Lunes, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa Philstar.com na bukas naman para masilip ng publiko ang mga ipinapaskil online, at wala naman daw iligal sa "simpleng pagmamatyag."
Kamakailan, humingi na rin ng tulong sa Korte Suprema ang NUPL dahil sa diumano'y nararanasang "state-sponsored harrassment" at red-tagging.
- Latest