MANILA, Philippines — Inaasahang tuluyang maipapasa sa muling pagbubukas ng Kongreso sa Mayo ang panukalang mas mahigpit na parusa para sa bomb joke.
Ayon kay House Majority leader Fredenil Castro, aaprubahan na nila sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 9059 o ang Anti-False Bomb Threat Act na nagbabawal sa pagkakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomb threats, pagsabog o anumang uri ng banta sa buhay at pagkasira ng ari-arian.
Aamyendahan ng panukala ang Presidential Decree 1727 na inisyu noong 1980 ni dating pangulong Ferdinand Marcos.
Sa ilalim ng panukala, maaring makulong ng 5 taon at pagmumulta ng P1 milyon ang isang taong magsasagawa ng bomb scare at magdudulot ng kaguluhan, evacuation at pagkamatay ng mga tao dahil sa pagbabanta.
Maaari rin maparusahan ang mga taong nag-bomb joke sa pamamagitan ng sulat, telepono, fax machine, social media at anumang uri ng komunikasyon na magdudulot ng pagkaalarma o takot sa nakaambang pagsabog ng bomba.