Brgy. officials na mangangampanya, sisibakin
MANILA, Philippines — Sisibakin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay officials na mangangampanya.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, sinampolan na nila ang 52 barangay official na kanilang ipinagharap ng reklamo sa Commission on Elections (Comelec) noong Biyernes na umano’y sangkot sa partisan politics ngayong May 13, 2019 National and Local Elections.
Alinsunod sa joint circular ng Comelec at ng Civil Service Commission, tanging ang Pangulo, Ikalawang Pangulo at iba pang elective officials lamang ng bansa ang pinapayagang mangampanya para sa isang kandidato sa eleksiyon, at hindi kasama dito ang mga barangay officials.
Maging noon pa man aniyang bago sumapit ang panahon ng kampanyahan ay pinaalalahanan na nila ang mga barangay officials na bawal silang mangampanya para sa mga kandidato, ngunit mayroon pa ring sumuway sa mga ito.
“Ang term doon, bawal sila ikampanya nang lantaran. In fact, pinapayagan naman silang makisawsaw sa issues tuwing kampanya. Ina-allow din silang magsalita kung sino ang preferred candidate, pinapayagan din sila sa social media,” paliwanag pa ni Densing. “Pero ‘yung lantaran na sila ay magkakampanya at pinapakita sa taumbayan kung sino ang kanilang manok sa darating na eleksyon, ‘yun ang talagang pinagbabawal ng ating batas.”
- Latest