Paghahati ng Palawan sa 3 probinsiya batas na
MANILA, Philippines — Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang panukalang batas na naghahati sa Palawan sa tatlong probinsiya.
Base sa Republic Act 11259, magkakaroon ng Palawan de Norte, Palawan del Sur at at Palawan Oriental.
Pero sasailalim pa sa plebisito para mabuo ang tatlong probinsiya na kailangang aprubahan ng mayorya ng mga residente. Ang plebesito ay gagawin sa ikalawang Lunes ng Mayo 2020.
Kung lulusot sa plebesito, idaraos naman ang eleksiyon para sa mga opisyal ng tatlong bagong probinsiya sa ikalawang Lunes ng Mayo 2022.
Bawat isa sa tatlong bagong probinsiya ay magkakaroon ng tig-iisang gobernador, bise gobernador, sangguniang panlalawigan secretary, provincial treasurer, assessor, accountant, budget officer, planning at development coordinator, engineer, health officer, administrator, legal officer, agriculturist, social welfare at development officer, veterinarian, at general services officer.
Ilalagay sa ilalim ng Palawan del Norte ang mga munisipalidad ng Coron, Culion, Busuanga, Linacapan, Taytay at El Nido.
Magiging bahagi naman ng Palawan Oriental ang mga munisipalidad ng Roxas, Araceli, Dumaran, Cuyo, Agutaya, Magsaysay, Cayancillo, at San Vicente.
Samantala ang Palawan Oriental ay kabibilangan ng mga munisipalidad ng Aborlan, Narra, Quezon, Rizal, Espanola, Brooke’s Point, Bataraza, Balacbac at Kalayaan.
Ang RA 11259 ay nilagdaan ng Pangulo noong Abril 5 pero inilabas lamang kahapon.
- Latest