MANILA, Philippines – Nanawagan kamakailan ang Ang Probinsyano Partylist ng agarang subsidy para sa mga magsasaka.
Ayon sa Ang Probinsyano Partylist, kailangan ang mabilis na pagbibigay ng Department of Finance (DoF) at Department of Agriculture (DA) ng karampatang subsidy para sa mga magsasaka upang hindi sila lalong malugmok sa kahirapan dulot ng rice tariffication law.
Maaaring tuluyan nang bumagsak ang sektor ng agrikultura sa Pilipinas kapag hindi agad nabigyan ng ayuda ang mga magsasaka ng bigas dahil na rin sa pagdagsa ng mga mura at imported na bigas.
Sa pagdalaw ng Ang Probinsyano sa lalawigan ng Nueva Ecija na mas kilala bilang Rice Bowl ng Pilipinas kamakailan, hiniling ng grupo na maglaan agad ang pamahalaan ng ayuda para sa kanila upang maagapan ang masamang epekto ng rice tariffication sa kanilang kabuhayan.
Kasama naman ng Ang Probinsyano Partylist ang actress na si Meg Imperial sa pagbisita sa naturang lalawigan bilang kaagapay sa kanilang adhikain na maisulong ang kaunlaran sa mga kanayunan.