MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Department of Health ang lahat ngayong Mahal Na Araw mula sa pagpepenitensya, bagay na maaari raw pagmulan ng tetanus o heat stroke.
Sa isang panayam, sinabi ni DOH Undersecretary Eric Domingo na pinakamainam pa ring iwasan ang pananakit sa sarili.
Kahit daw i-sterilize ang mga pako at latigong gagamitin, wala ring kasiguruhan na 'di makakukuha ng impeksyon dahil sa exposure sa iba't ibang elemento habang penitensya.
Ayon kay Domingo, hindi nirerekomenda ng DOH na gumamit ng prophylaxis (antibiotic) bago magpenitensya dahil mae-expose lang daw sila sa "anti-microbeal resistance."
"You take antibiotic after you acquire wounds or cuts to prevent tetanus. They also must make sure that their wounds are properly cleaned," wika niya.
(Kukuha ka lang ng antibiotic pagkatapos mong magtamo ng sugat kontra tetano. Dapat din nilang siguruhin na maayos ang pagkakalinis ng mga sugat.)
Pinaiiwas din ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko sa heat stroke at iba pang sakit na nakukuha tuwing tag-init sa gitna ng mataas na temperatura ngayong Holy Week.
"Prepare for the Visita Iglesia by bringing bottled water to keep yourself hydrated, well-packed foods that do not easily spoil and umbrella as you visit churches," sabi niya.
(Maghanda ng de boteng tubing sa pagvi-Visita Iglesia para manatiling hydrated, pagkaing nakabalot nang maayos para hindi agad mapanis at payong sa pagpunta ng mga simbahan.)
Para sa mga may altapresyon, maaari raw itong palalain ng mainit na panahon kung kaya't dapat daw uminit ng maintenance medicine ang mga may hypertension.
Pinaiiwas din ni Duque ang lahat sa mga outdoor activities sa pagitan ng alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon kung kelan pinakaminit.
Para sa mga babiyahe, mainam daw na magdala ng first aid kits at gamot kasama ang iba pang pangangailangan bilang pag-iingat.
"Holy Week is a time for solemnity. We can make our religious/spiritual and other activities safe, disease and stress-free if we observe these reminders," sabi niya.
(Taimtim na panahon ang Semana Santa. Puwede nating gawing ligtas, iwas sakit at stress ang ating religious/spiritual activities kung susundin natin ang mga paalalang ito.)