Mag-ingat sa tindi ng init – PAGASA
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na mag-ingat laluna ang mahihina ang katawan mula sa nararanasang tindi ng init ng panahon sa bansa.
Karamihan sa mga lugar sa bansa ay nakakaranas na ng matinding init na may heat index na 32 degree celcius hanggang 41 degree celcius sa ilalim ng extreme caution category na nangangahulugan na dahil sa tindi ng init ay maaari kang dumanas ng heat cramps, heat exhaustion at pinakagrabe ang heat stroke.
Ang heat index ay may apat na level - caution, extreme caution, danger at extreme danger.
Ang mga lugar na nakakaranas ng 27-32 degree celcius heat index ay nasa ilalim ng caution category; extreme caution category, 32-41; danger category, 41-54 at extreme danger category ay 54 degree celcius heat index.
Sabi ng PAGASA, kung wala namang gagawin ay manatili na lamang sa loob ng bahay at kung walang airconditoning ang bahay ay manatili sa pinaka mababang palapag ng tahanan na malayo sa init ng araw.
Kung lalabas ng bahay ay magsuot ng mga maninipis na damit at hindi matingkad na kulay na kasuotan. Ang light colors ay magre-reflect ng enerhiya ng araw.
Ugaliin ding uminom ng tubig upang makalma ang pakiramdam ng katawan.
Kapag kakain, dapat konti-konti lang kahit maya’t maya at huwag kakain ng mataas sa protina dahil magdudulot ito ng pagtaas ng init ng katawan.
Huwag ding iinom ng alak dahil mababawasan nito ng tubig ang katawan.
- Latest