MANILA, Philippines — Ikinasa na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang total deployment ban ng mga Pinoy workers sa Libya kasunod ng patuloy na paglala ng tensyon sa nasabing bansa.
Nangangahulugan na hindi muna papayagan ang mga manggagawang Pinoy na magtungo sa Libya kahit na ang mga tinaguriang balik manggagawa o mga nagbakasyon lang sa bansa.
Nabatid na itinaas ng DFA sa Level III ang alert level nito para sa mga Pilipino na nasa Libya, na nangangahulugang kailangang sumailalim ang mga ito sa voluntary repatriation.
Sa kasalukuyan, higit 3,000 Pilipino ang namamasukan at naninirahan sa naturang bansa. Pinakamarami sa mga ito ang nasa linya ng healthcare o ‘yaong mga nurse.
Tiniyak naman ni Labor Sec. Silvestre Bello III na nakahanda ang DOLE, anumang oras para sa mga OFW na gusto munang umuwi ng bansa habang umiiral pa ang kaguluhan sa Libya.
Lagi ring handa ang DOLE para ayudahan ang mga OFW na ayaw nang magbalik sa Libya.
Ani Bello, maaari namang ideploy ang mga workers sa Japan, Israel, Germany habang may programa naman sa mga ayaw nang bumalik tulad ng livelihood at financial assistance.
Sa ilalim ng bagong OWWA Law o ang Republic Act 10801, may kaukulang benepisyong naghihintay sa repatriated OFWs.
Bukod sa OWWA funds, naglaan din ang Senado ng karagdagang P100M para sa emergency repatriation program ng DOLE na nakapaloob sa 2019 national budget.
Ang mga matatanggap na tulong ng repatriated OFWs ay bilang pagtanaw ng utang na loob ng gobyerno sa napakalaking tulong na nai-ambag nila sa patuloy na paglusog ng ekonomiya ng bansa. (Dagdag ulat ni Malou Escudero)