MANILA, Philippines — Nakasentro sa pagbibigay ng mga motorsiklo sa mga agri-teknisyan at pagbibigay ng internet koneksyon sa mga magsasaka at mangingisda ang Agri-Tech Extension Program na isusulong ng Ang Probinsyano Party-List.
Ayon kay Alfred delos Santos, na unang nominado ng partido, ang pagbibigay ng motorsiklo sa mga agri-teknisyan ay makakatulong sa pagpapakalat ng kanilang kaalaman.
“Kapag epektibo ang ating mga agri-teknisyan, sila ay nakakapagbigay ng mas magandang oportunidad sa ating mga magsasaka,” ani delos Santos. “Dahil sa may motorsiklo, mas madalas na ang pagbisita ng mga agri-teknisyan sa mga magsasaka tuwing sila ay kakailanganin.”
Kabilang sa mga nais isulong na batas ng Ang Probinsyano Party-list sa kongreso ay ang pagbibigay sa mga magsasaka ng kakayahang pamahalaanan ang kanilang mga bukirin sa tulong ng teknolohiya.
Ang Probinsyano Party-list ay nakatuon sa pag-aangat ng kalidad ng buhay ng mga nasa probinsya sa pamamagitan ng human capacity development at pagbibigay ng mga serbisyo na mas malapit sa mga probinsya.