MANILA, Philippines — Naglabas ng hamon ang mga kandidato ng Otso Diretso sa lahat ng kandidato sa pagkasenador, pati ang mga nasa administrasyon, na samahan sila sa Panatag (Scarborough) Shoal bilang simbolikong pagtutol sa panghihimasok ng Tsina.
"Ang issue ng West Philippine Sea ay hindi dapat sa oposisyon lang. Issue ito ng buong Pilipinas, so kasama dyan ang kandidato ng administrasyon, at dito natin malalaman kung may pagmamahal ba sila sa maliliit na mangingisda o wala," sabi ni Erin Tañada, dating congressman sa Quezon.
Dagdag niya, sama-sama raw sana silang pumunta sa West Philippine Sea para igiit ang soberanya ng bansa.
Matatandaang pumunta sina Samira Gutoc, Florin Hilbay, Chel Diokno at Magdalo Rep. Gary Alejano sa Masinloc, Zambales, malapit sa Panatag, nitong Lunes bilang protesta.
Plano sana nilang pumunta mismo sa pinag-aagawang shoal para itanim ang watawat ng bansa ngunit "hinarangan" daw ng coast guard. Sinabi na ng coast guard na hindi naman kailangan ng permiso nila para pumunta sa Panatag.
Publicity stunt?
Minaliit naman ng Palasyo ang ginawa ng opposition candidates.
"The visit of some Otso Diretso candidates to Masinloc, Zambales is a pure publicity stunt," sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo nitong Martes.
Sa naturang lugar nakatira ang maraming mangingisdang ginigipit pa rin diumano ng mga Tsino.
Halos kontrolado ng Tsina ang Panata simula nang magtapos ang naval standoff sa Pilipinas noong 2012.
"They must be commended for their creativity. Surely they never run out of childish gimmickry," dagdag ni Panelo.
Sinagot naman ito ni Alejano.
"Ang aming ginawa ay isang simbolo ng paghamon sa ating Presidente na once and for all tayuan ang karapatan natin sa West Philippine Sea. Pero hindi gera ang kasagutan, kundi tingnan ang kapakanan ng ating mga mangingisda at tingnan ito sa kaparaanang confrontative pero inaassert ang ating karapatan," sabi ni Alejano, na dating sundalo.
Ayon naman kay Hilbay, kung may publicity stunt man, ito ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumakay ng jetski patuong West Philippine Sea para magtayo ng bandila ng 'Pinas.
"Iyon ang ginamit nya nung tumatakbo siya, at naniwala ang milyun-milyong Pilipino na iyon ang kanyang simbolo sa kanyang pagtindig," sabi ni Hilbay.
Sa kanilang aksyon nitong Lunes, maaalalang naghanda rin ang Otso Diretso ng jetski na pwedeng-pwede raw sakyan ng presidente.
"Kaya yung ginawa namin hindi publicity stunt, we are just calling out the president for a promise that he made... We are making him accountable," dagdag niya.
Hulyo taong 2016 nang desisyunan ng Permanent Court of Arbitration na Pilipinas ang may ekslusibong soverreign rights sa West Philippine Sea.
Gayunpaman, ilang beses nang nabatikos si Duterte dahil sa kanyang diumano'y "malambot" na tindig hinggil sa pinag-aagawang teritoryo.
'Panibagong incursions'
Samantala, maghahain naman ng panibagong protesta ang Department of Foreign Affairs matapos maiulat ang presensya ng Chinese militia ships malapit sa Kota Island (Loaita Island), lugar na kontrolado ng Pilipinas.
Hindi raw bababa sa 15 Chinese vessels ang namataan 1 nautical mile mula sa isla noong ika-28 ng Marso.
"We will object to their presence. We have already filed a diplomatic protest and that applies to everything, anything that concern Chinese vessels in our territory," sabi ni Panelo ngayong Miyerkules.
"They cannot be intruding in our territorial property," dagdag ng tagapagsalita ng pangulo.