'Okay na?' Go ipinakitang walang tato ang likod, droga susugpuin daw
MANILA, Philippines — Inilahad sa media ni dating Special Assistant to the President Bong Go ang kanyang likod, na walang tato, upang sagutin ang mga paratang na may kinalaman siya sa kalakalan ng ilegal na droga.
Ito'y matapos sabihin ng kumakalat na video na may dragon tattoo ang senatorial candidate na patunay daw ng kanyang kaugnayan sa drug syndicate.
"Ano? Okay na? Klaro ah," sabi niya sa reporters matapos tanggalin ang suot pang-itaas.
Sabi ni Go, sana'y matapos na nito ang mga tsismis na miyembro siya ng triad at kumikita ng limpak-limpak mula rito.
Matatandaang ipinagtanggol ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo si Go mula sa mga alegasyon ng isang alyas "Bikoy" na mataas ang ranggo niya sa sindikato.
Ayon sa video, nanggaling daw sa droga ang perang ginagamit ni Go sa kampanya lalo na't napakaliit ng kanyang statement of assets, liabilities and net worth.
Maliban sa kanya, matagal nang iniuugnay si dating Davao Vice Mayor at presidential son Paolo Duterte sa droga, na pinararatangang may tato rin sa likod.
Bagama't ilang taon nang pinabulaanan ni Pulong ang mga akusasyon, hindi pa rin niya ipinakikita ang kanyang likuran.
Ipinupukol sa dalawa ang mga reklamo sa kabila ng madugong "war on drugs" ni Pangulong Rodrigo Duterte, na kumitil sa buhay ng 27,000 katao ayon sa United Nations.
'Seryoso si Bikoy'
Sa kabila ng rebelasyon ng dating SAP, sinabi naman ni Sen. Leila de Lima na alam niyang gumagawa na ng paraan ang Malacañang para "tabunan" ang isyu.
Kahit na naipakita na ni Go ang kanyang likod, hindi naman isinasarado ng nakakulong na senadora na maaaring totoo pa ring may kinalaman si Go sa drug trade.
"Nakikita natin na seryoso itong si 'Bikoy.' May mga dokumento, paper or money trail," sabi ni De Lima kaninang umaga sa isang statement.
Sa tingin ni De Lima, "double-time" na raw ang mga "goons" ni Duterte at mga kasapakat niya diumano sa sindikato para ma-trace si "Bikoy."
"Hindi dapat bale-walain ito ng mga awtoridad at taumbayan," dagdag niya.
Handang makulong kasama si Digong
Inilatag naman ni Go, na kandidato sa ilalim ng PDP-Laban, ang plano nila ni Duterte sa mga darating na taon.
"In the next three years, sabi ni Pangulong Duterte, magiging madugo [ang kampanya] at susugpuin namin ang iligal na drogang 'yan. Korapsyon at kriminalidad, susugpuin [namin]," sabi niya.
Aniya, nasa likod lang siya ng presidente dahil iniisip lang niya ang kapakanan ng mga Pilipino.
Ilang beses nang sinabi ni Duterte na hindi siya natatakot mailagay sa likod ng rehas dahil sa kanyang ginagawa.
"At alam ko pong ginagawa lang ni Pangulong Duterte ang trabaho niya. Sasamahan ko po siya sa kulungan kung kakailanganin," dagdag niya.
"Ganoon ko kamahal si Pangulong Duterte dahil ginagawa lang niya ang trabaho niya at nagsasakripisyo siya para sa Pilipino."
- Latest