Araw ng Kagitingan ginunita sa Sulu
MANILA, Philippines — Hindi sa tradisyunal na Dambana ng Kagitingan sa Mt. Samat National Shrine sa Pilar, Bataan ipinagdiwang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Araw ng Kagitingan kundi sa Jolo, Sulu.
Pinangunahan ni Pangulong Duterte ang pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan sa Camp Teodolfo Bautista sa Busbos, Jolo kasama ang mga sundalo.
Hindi ito ang unang pagkakataon na hindi dinaluhan ng Pangulo ang nakagawiang pagdiriwang sa araw ng kagitingan sa Bataan. Bagkus ay sa ibang lugar sa bansa partikular sa mga kampo ng militar ito nagpupunta.
Nagtatalaga na lamang ito ng kaniyang kinatawan para dumalo sa programa sa Mt. Samat sa Pilar, Bataan.
Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na sina Interior and Local Government Secretary Eduardo Sno at Education Secretary Leonor Briones ang kumatawan kay Pangulong Duterte sa Bataan.
Ang Araw ng Kagitingan ay natatanging araw na itinalaga ng pamahalaan upang gunitain ang kabayanihan ng mga sundalong Filipino at Amerikano na lumaban sa puwersa ng Japanese Imperial Army noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Samantala, sa kanyang mensahe sa naturang okasyon, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat inaaalala ang kabayanihan ng mga magigiting na sundalong Pilipino at Amerikanong magkabalikat na lumaban sa Japanese Imperial Army sa mga kabundukan at kagubatan ng Bataan sa pagtatanggol ng ating kalayaan at demokrasya.
Ayon kay Pangulong Duterte, ginugunita rin ang hindi mabilang na mga sibilyang tumulong sa ating pwersa para magkaroon ng magiting na depensa laban sa malaking pwersa ng mga mananakop.
Kaugnay nito, umaasa si Pangulong Duterte na magsisilbing inpirasyon ang kagitingan at kadakilaan ng ating mga ninuno at kanilang mga kaalyado sa ating pagtatanggol ng soberenya at proteksyon ng mga karapatan at kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino sa ngayon.
- Latest